Nilinaw ni Rayver Cruz ang isyung ikakasal na sila ng girlfriend na si Julie Anne San Jose matapos kumalat ang tsikang nagpunta ang aktres sa shop ng sikat na designer na si Michael Cinco.
Ang hinala ng fans ay nag-fitting na ng gown si Julie Anne.
Pati ang pagpunta ng Kapuso couple sa Dubai ay nabigyan ng ibang interpretasyon at sey ng fans, mukhang nagpaplano na ng kasal ang JulieVer.
Sa guesting ni Rayver Cruz sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules, pinabulaanan ng aktor ang espekulasyon ng mga tao.
“Alam mo, Tito Boy, gustuhin man natin ‘yan, pero hindi, eh. Kasi siyempre ‘pag mga ganu’n, gusto ko kasama ‘yung parents. Eh, ‘yung trip na ‘yun, ako, si Rodjun, Julie, and her sister. Dapat concert date kami,” paglilinaw ng aktor.
Ayon naman sa kapatid ni Rayver na si Rodjun Cruz na guest din sa nasabing episode, suportado niya kung anuman ang gustong mangyari ni Julie Anne at ng kanyang younger brother.
“Iilan lang kami ‘yung ganyan magmahal sa babae, marespeto sa pamilya, so sobrang proud ako kay Rayver. Basta ang importante, ini-enjoy nila ‘yung pagmamahalan nila and inspired sila sa bawat isa. Support ako sa kahit anong vision nila,” sabi ni Rodjun.
Nagbiro naman si Rayver na kukunin nilang ninong si Kuya Boy Abunda na umoo naman agad.
Nagprisinta naman ang guest ding si Dasuri Choi na maging isa sa mga bridesmaid nina Rayver at Julie.
Samantala, ibinalita ni Rayver na ilalabas niya ang kanyang awitin na may titulong “Dust of the Universe” ngayong February 13, isang araw bago ang Valentine’s Day.
“Isang malaking inspirasyon po sa ‘kin talaga si Julie Anne San Jose pagdating sa music, and hindi ko lang siya mahal, isa rin siya sa mga iniidolo ko,” sabi ni Rayver.
Sey pa niya, si Julie rin ang nag-udyok sa kanyang ilabas ang isinulat na awitin sa publiko.
“So nu’ng narinig po niya ‘yung song, sabi niya, ‘Love, i-release mo.’ so ayun po. The song is made by my coach, Arnie Mendaros, and then self-produced lang din po, Tito Boy,” saad pa ni Rayver.
The post Boy pumayag mag-ninong sa kasalang JulieVer, Dasuri Choi nagprisintang bridesmaid appeared first on Journal News Online.