IPINAMAHAGI ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang 10,000 unit na mga bagong kagamitan sa computerization sa Schools Division Office (SDO) ng lungsod bilang bahagi ng programang gawing digital ang proseso ng pag-aaral para sa mga guro at mag-aaral.
Kabilang sa natanggap ng SDO ang 8,983 na tablets, 1,000 laptops, smart boards, at robotic equipment na inaasahang makakatulong sa pagsasagawa ng synchronous at asynchronous na pag-aaral.
Ayon kay Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, tinupad lang niya ang pangako ng kanyang admnistrasyon na pag-ibayuhin ang sistema ng edukasyon sa lungsod para sa kapakanan ng paaralan at mga stakeholder nito.
“Ang pangarap ko po ay magkaroon ng smart classroom ang bawat paaralan sa Caloocan at unti-until na nating tinutupad ang pangarap na ito. Wala naman pong imposible basta’t sinasamahan ng gawa at trabaho upang matupad ang mga pangarap,” pahayag ng alkalde.
“Tinitiyak ko sa inyo, sa ilalim ng aking termino, patuloy tayong mamumuhunan, at bibigyan natin ng halaga at suporta ang bawat mag-aaral at guro sa ating lungsod,” dagdag pa niya.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga benepisyaryo na sulitin ang paggamit sa mga bagong kagamitan na aniya ay hagdan upang malinang pa ang kanilang kakayahan at talento.” Sana po ay maramdaman ninyo na kasama ninyo ako at ang buong pamahalaang lungsod sa inyong misyon na hubugin ang ating mga kabataan upang maging kapaki-pakinabang sa lipunan,” sabi pa ni Mayor Along.
The post Caloocan namahagi ng 10K digital gamit sa Schools Division Office appeared first on Journal News Online.