Pagbura ng munghaking isuko ng PH Kalayaan suportado

Sinusuportahan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang hakbang ng bayan ng Kalayaan sa Palawan na ipabura sa talaan ng Commission on Appointments ang pahayag ni Senator Rodante Marcoleta na nagmumungkahing “isuko” ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group.

Ngunit sinabi ni Lacson na kailangan munang magsumite ng pormal na mosyon na nakatuon kay Senate President Vicente Sotto III bilang chairman ng Commission on Appointments.

“A motion to strike off the records of the CA is needed. A letter addressed to CA Chairman Senate President Vicente Sotto III through the CA Defense Committee Chairman will serve as a strong basis for such a motion,” aniya.

Nagpadala ang Municipality of Kalayaan ng Resolution No. 099-016, series of 2026, sa Office of the Senate President ngayong linggo bilang pagpapahayag ng pagtutol sa naturang pahayag.

Humiling din ito sa CA na “expunge such defeatist sentiments from the congressional records to preserve the dignity and integrity of our municipality.”

Sa isang naunang panayam, sinabi ni Lacson na maaaring humina ang posisyon ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group kung mananatili sa rekord ang pahayag.

“Definitely. Kasi nanggaling sa isang senador mismo at nandoon sa record mawe-weaken ang position natin maski papano di ba kasi nasa record. Mas maganda matanggal yan sa record ng CA,” aniya sa panayam sa DZBB nang tanungin kung sinusuportahan niya ang hakbang.

“I’d like to believe hindi niya mine-mean exactly sinabi niya pero napakaliwanag sinabi niya, ‘give up’ natin para wala tayong problema. Ano ba interpretation nyo pag sinabing give up natin? Give up, ibigay na lang para walang gulo,” dagdag niya.

Sa pagdinig ng CA committee nitong buwan, tumugon si Lacson sa mungkahi sa pamamagitan ng pagbanggit sa prinsipyong legal na “res nullius,” na sumusuporta sa pagmamay-ari ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group.

Sa ilalim ng “res nullius,” ang sinumang makatuklas at sumakop sa lupain ay kinikilalang may-ari nito. Binanggit ni Lacson si Tomas Cloma na nakatuklas sa Spratlys at kalauna’y ibinigay ang pagmamay-ari sa pamahalaan ng Pilipinas. Idinagdag niya na may mga pamilyang Pilipino na kasalukuyang naninirahan sa Kalayaan Island Group, isang bayan ng Palawan.

The post Pagbura ng munghaking isuko ng PH Kalayaan suportado appeared first on Journal News Online.

About admin