SA gitna ng pagpapatupad ng 2026 national budget, naghain si Senator Sherwin Gatchalian ng Senate Resolution No. 299 upang paigtingin ang pagsubaybay sa pagsunod ng mga ahensya ng pamahalaan sa General Appropriations Act (GAA).
Ayon kay Gatchalian, kailangang matiyak na ang mga prayoridad na programa para sa dekalidad na edukasyon, sapat at abot-kayang serbisyong pangkalusugan, at pangmatagalang seguridad sa pagkain ay naipatutupad kasabay ng pagprotekta sa integridad ng pambansang budget at pagpapatibay ng mas transparent, disiplinado, at accountable na paggamit ng pondo ng bayan.
Binigyang-diin ng chairperson ng Senate Committee on Finance na hindi sapat na ang GAA ay sumasalamin lamang sa isang people-centered budget.
“Sa gitna ng tumataas na pangangailangan ng bansa sa paggasta, dapat tiyakin natin na ang bawat paglabas ng pondo ay naaayon sa 2026 GAA at nagagamit nang tama,” aniya.
Binanggit niya na inaatasan ng 2026 GAA ang lahat ng ahensya na magtatag ng online infrastructure dashboard na naglalaman ng mga detalye at dokumento ng proyekto, pinagmumulan ng pondo, paraan ng procurement, patunay ng koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, at quarterly updates na may geo-tagged na larawan ng mga kasalukuyang proyekto.
Layunin ng panukalang resolusyon na matiyak ang ganap na pagpapatupad ng mga probisyong ito para sa transparency at accountability.
The post Bantayan implementasyon ng 2026 budget — Gatchalian appeared first on Journal News Online.