IGINIIT ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino na kailangang dumaan sa konsultasyon ang panukala ng Department of Education na magpatupad ng trimestral system sa school year 2026–2027.
Sinabi ni Sen. Aquino na sisiguraduhin ng Senado na magkakaroon ng pagdinig upang busisiin ang naturang reporma bago ito ipatupad.
“Bago ipatupad ng DepEd ang trimestral system, mahalagang sumailalim ito sa malawakang konsultasyon.
Sisiguraduhin natin na may Senate Hearing tungkol sa repormang ito,” sabi ni Aquino.
Suportado ng komite ang mga hakbang na tutugon sa learning gap at magpapagaan sa trabaho ng mga guro, lalo na sa mga nabibigatan sa non-teaching tasks.
“Bagama’t kinikilala natin ang pangangailangan para sa malawakang reporma, siguraduhin natin na hindi ito gagawin ng padalus-dalos at dumaan sa tamang konsultasyon,” dagdag pa niya.
Kapag naipatupad, maaaring maapektuhan ang milyon-milyong mag-aaral at guro sa buong bansa, pati na ang mga magulang na nakaayon ang trabaho at badyet sa kasalukuyang school calendar.
Maaari ring magkaroon ng epekto sa maliliit na negosyo sa paligid ng mga paaralan at sa mga pamilyang may overseas Filipino workers na inaayon ang bakasyon sa school break.
Wala pang itinakdang petsa para sa pagdinig ngunit inaasahang tatalakayin ito sa mga susunod na buwan.
The post Trimestral system ng DepEd dapat dumaan sa konsultasyon ng Senado appeared first on Journal News Online.