‘UTAK’ SA PAGPATAY SA KOREANO MAY PATONG SA ULO NA P1M

MAY P1 milyong cash reward para sa anumang impormasyon na magtuturo para madakip ang sinibak na police superintendent, na pinaghihinalaang “utak” sa kaso ng kidnapping at pagpatay sa Koreanong si Jee Ick Joo sa loob mismo ng Philippine National Police (PNP) National Headquarters sa Camp Crame noong Oktubre 18, 2016.

Ayon kay PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Major General Robert Alexander A. Morico II, ang suspek, na isa ring abogado, ay nasa listahan ng national most wanted persons, at may P1 milyong patong sa ulo mula sa Department of the Interior and Local Government.

Sinabi niya na ang PNP-CIDG hotlines 0960-6923025 at *0456-115926 ay bukas 24/7 upang tumanggap ng tawag at impormasyon na maaaring humantong sa agarang pagdakip sa akusado.

Ang suspek ay nahaharap sa mga non-bailable warrants of arrest para sa kidnapping with homicide, kidnapping and serious illegal detention, at carnapping.

Ayon kay Morico, ang mga poster na may larawan at posibleng kinaroroonan ng akusado ay ipinaskil sa mga opisina ng CIDG at iba pang matataong lugar sa buong bansa, upang mapabilis ang paghuli at paghatol sa pugante, para sa mga biktima at kanilang pamilya.

Hinimok din niya ang publiko na magbigay ng anumang impormasyon sa mga hotline ng PNP-CIDG.

“Walang tanong-tanong! Garantisado ang P1 milyong reward,” aniya. Dagdag pa niya, ang impormante ay kinakailangan lamang magpakita ng subscriber identification module o SIM card na ginamit sa pag-text ng impormasyon sa kanilang hotline.

Ang suspek ay isang opisyal noon ng PNP Anti-Illegal Drugs Group at tinuturong nagplano ng pagdukot kay Jee Ick Joo mula sa kaniyang tahanan sa Friendship Plaza Subdivision sa Angeles City, Pampanga, noong Oktubre 18, 2016.

Pinagbabayad pa ng ransom ang asawa ng biktima kapalit ng umano’y kaligtasan nito. Ngunit natuklasan ng mga imbestigador na habang hinihingi ang ransom, dinala ng dalawang tauhan ng suspek mula sa PNP-AIDG — sa pangunguna ng isang disgraced police non-commissioned officer — ang biktima sa isang parking lot ilang metro mula sa kanilang headquarters at doon siya sinakal hanggang mamatay sa loob ng sasakyan.

Kalaunan, dinala ng mga suspek ang bangkay ni Jee Ick Joo sa isang funeral parlor sa Caloocan City na pagmamay-ari ng dating pulis, kung saan ito’y sinunog at ang abo ay itinapon sa inidoro.

Ang pagkakadiskubre sa karumal-dumal na krimeng ginawa sa loob mismo ng Camp Crame ang nagtulak kay dating PNP chief, ngayo’y Senador Ronald M. dela Rosa, na ialok ang kanyang pagbibitiw — subalit tinanggihan ito ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Dahilan din ito upang ipasara ni Dela Rosa ang PNP-AIDG at ilipat ang lahat ng tauhan nito sa iba’t ibang yunit. Noong Marso 2017, itinatag niya ang PNP Drug Enforcement Group kapalit ng AIDG.

Humingi rin ng paumanhin si Duterte sa pamahalaan at mamamayan ng South Korea.

Lumabas sa imbestigasyon na inakusahan ng mga suspek si Jee Ick Joo na sangkot sa ilegal na droga at humingi ng P8 milyong ransom mula sa asawa nito.

Nagbayad ang asawa ng P5 milyon noong Oktubre 30, 2016, ngunit tumangging ibigay ang natitirang P3 milyon dahil bigo ang mga suspek na magpakita ng pruweba na buhay pa ang biktima.

Si Duterte ang nagngalan sa suspek bilang utak ng krimen at binigyan ito ng 24 oras upang sumuko.

Noong Hunyo 6, 2023, hinatulan ng Angeles City Regional Trial Court Branch 60 ang suspek na disgraced police non-commissioned officer at isa pang co-accused nito ng kidnapping with homicide, kidnapping with serious illegal detention at carnapping kaugnay ng kaso, at sinentensiyahan ng habambuhay na pagkakabilanggo.

Gayunman, inabsuwelto ng hukuman ang suspek dahil hindi umano napatunayan ang kaniyang pagkakasala. Ngunit kalaunan ay hiningi ng mga piskal ang pagbabaligtad ng desisyon sa pamamagitan ng petition for certiorari, na pinagbigyan ng Court of Appeals noong Hulyo 2024.

Binigyan ng mas mataas na hukuman ng kaparehong parusa ang suspek para sa kidnapping, na walang posibilidad ng parole para sa homicide, at mas mabigat pang hatol na 30–35 taon para sa carnapping.

The post ‘UTAK’ SA PAGPATAY SA KOREANO MAY PATONG SA ULO NA P1M appeared first on Journal News Online.

About admin