PBBM: Subsidiya sa kuryente mas madali nang maaabot ng nasa laylayan

IPINAHAYAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Sabado na mas madali nang maabot ng mga pamilyang mababa ang kita at nasa laylayan ang subsidiya sa kuryente.

Sinabi rin ng Pangulo na pinasimple na ang proseso ng aplikasyon para sa Net-Metering Program, kaya mas mabilis nang makapagpakabit ng solar panels ang mga kabahayan at maibenta ang sobrang kuryente sa grid.

“Sa madaling salita: mas malinaw ang patakaran at mas mabilis ang proseso. Patuloy na magsisikap ang Administrasyong ito at makikipagtulungan sa pribadong sektor sa pagbuo ng mga proseso at polisiya na magpapaging mas abot-kaya, abot-kamay, at maaasahan ang kuryente,” ani Pangulong Marcos sa ginanap na “Collective Response to Presidential Commitments in the Energy Sector” sa Meralco Theater sa Ortigas, Pasig.

Ayon sa Pangulo, ikinatuwa niyang makita ang pagtutulungan ng pamahalaan at ng mahahalagang stakeholder tulad ng Manila Electric Company (MERALCO) upang maibsan ang pasanin ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng saklaw ng elektripikasyon, pagpapataas ng kapasidad, at pagpapababa ng gastos sa kuryente.

Binanggit ng Pangulo na ang Lifeline Rate Subsidy Program (LRSP) para sa mga pamilyang mababa ang kita at nahihirapang bayaran ang buong halaga ng kanilang konsumo sa kuryente ay matagal nang hindi gaanong napapakinabangan dahil sa masalimuot na mga rekisito.

Hanggang Nobyembre 2025, tinatayang 334,000 konsyumer pa lamang ang rehistrado sa ilalim ng LRSP—katumbas lamang ng humigit-kumulang 11 porsiyento ng tinatayang tatlong milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

“Ngayong buwan, ipatutupad natin, kasama ang mga distribution utilities o DU, ang awtomatikong pagpaparehistro ng lahat ng benepisyaryo ng 4Ps sa ilalim ng LRSP,” pahayag ng Pangulo.

“Ito ang uri ng pamahalaang ating itinataguyod. Hindi dapat ang Pilipino ang naghahabol sa tulong. Ang tulong ang dapat lumalapit sa mga Pilipino.”

Dagdag pa ng Pangulo, ang bagong lifeline consumption threshold ay magpapantay sa paglalapat ng diskuwento, kung saan ang mga benepisyaryo ng 4Ps na may buwanang konsumo na 50 kilowatt-hour (kWh) pababa ay makatatanggap ng 100 porsiyentong diskuwento.

Ang mga pamilyang mababa ang kita na hindi saklaw ng 4Ps ngunit nasa ilalim ng poverty threshold at may minimal na konsumo ng kuryente ay maaari ring magparehistro sa LRSP, ayon sa Pangulo.

Batay sa kanyang personal na karanasan, sinabi ng Pangulo na bagama’t mahigit isang dekada na ang Net-Metering Program, naging nakadidismaya ang aplikasyon nito dahil sa kakulangan ng malinaw na patakaran at kapasidad ng ilang electric cooperative.

Pinahihintulutan ng programang ito ang mga kabahayan at negosyo na magpakabit ng renewable energy systems, tulad ng solar panels, at ibenta ang sobrang kuryente pabalik sa grid—na nagpapababa ng kanilang bayarin habang nakatutulong sa suplay ng kuryente.

“Ngayon, matapos ang pakikipagpulong sa Department of Energy at sa ERC (Energy Regulatory Commission), nakahanap tayo ng paraan upang mas mapadali ang paglahok ng ating mga kababayan sa Net-Metering Program,” ani ng Pangulo.

Upang mapabilis ang proseso ng aplikasyon, lumagda ang DOE, Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa isang Joint Memorandum Circular upang gumamit ang mga lokal na pamahalaan ng iisang pamantayang application form at sumunod sa itinakdang turnaround time.

Inatasan din ng ERC ang mga distribution utilities na tapusin ang interconnection process sa loob ng 20 araw ng trabaho mula sa pagtanggap ng liham ng interes, dagdag ng Pangulo.

Kinilala ni Pangulong Marcos ang patuloy na suporta ng MERALCO, ang pinakamalaking distribution utility sa bansa, sa mahalagang papel nito sa pagsusulong ng mga layunin ng bansa sa enerhiya.

“Mula sa Terra Solar Project, na magpapalawak nang malaki sa renewable capacity sa pamamagitan ng malakihang solar at battery storage, hanggang sa elektripikasyon ng mga liblib na komunidad at pagsuporta sa ating net-metering at lifeline rate programs, ang inyong mga inisyatiba ay tumutulong upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng akses sa enerhiya,” ani ng Pangulo.

Hinimok ni Pangulong Marcos ang lahat ng Pilipino na lubos na samantalahin ang mga programang ito upang matiyak ang mas matatag at napapanatiling kinabukasan para sa kanilang mga pamilya.

The post PBBM: Subsidiya sa kuryente mas madali nang maaabot ng nasa laylayan appeared first on Journal News Online.

About admin