IPINAALALA noong Miyerkules ng Philippine National Police (PNP), sa pamumuno ni General Jose Melencio C. Nartatez Jr., sa publiko na ang hindi awtorisadong paggamit ng uniporme, insignia, o pagpapanggap bilang opisyal ng PNP ay isang mabigat na krimen na may kaparusahan sa ilalim ng Revised Penal Code.
“Alam natin, may ilan na nagkukunwaring pulis para sa kanilang pansariling kapakinabangan. Ito po ay hindi lamang labag sa batas, ito rin ay panganib sa ating mamamayan. Ang sinumang magtatangkang magsuot ng uniporme o magpanggap bilang miyembro ng PNP ay puwedeng makasuhan ayon sa batas,” ani Gen. Nartatez.
Naglabas ng paalala ang hepe ng PNP kasunod ng kontrobersiyang dulot ng isang ‘vlogger’ na nakasuot ng uniporme ng isang police general. Kasalukuyang iniimbestigahan ng Police Regional Office 2 (PRO2) sa ilalim ni Brigadier General Antonio P. Marallag Jr. ang insidente.
Ayon kay PNP spokesperson Brigadier General Randulf T. Tuaño, humingi na ng tulong ang PRO2 sa Regional Anti-Cybercrime Unit 2 upang matukoy ang pagiging tunay ng litrato na nagpapakita sa isang vlogger na kinilalang si Norman Mangusing alyas “Francis Leo Marcos” na nakasuot ng uniporme ng pulis.
Sinabi ng opisyal na isa pang vlogger ang nag-post ng naturang larawan. “Hindi exemption ang pagiging vlogger dahil ang uniporme ng pulis ay simbolo ng awtoridad,” ani Brig. Gen. Tuaño.
Sa ilalim ng Artikulo 179 ng Revised Penal Code, ang hindi awtorisadong pagsusuot ng uniporme o insignia ng PNP ay may kaparusahang arresto mayor—mula isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan.
Samantala, ang Artikulo 177 ay nagpaparusa sa mga umaagaw o umaako ng opisyal na tungkulin ng pulis sa pamamagitan ng maling pagpapanggap ng prision correccional sa minimum o medium period, o pagkakakulong mula anim na buwan at isang araw hanggang apat na taon at dalawang buwan.
Ipinaalala rin ng PNP sa mga establisimyento na ang paggawa, pagbebenta, o pamamahagi ng uniporme ng pulis nang walang tamang awtorisasyon ay paglabag sa Executive Order No. 297.
Matapos ang wastong abiso at pagdinig, maaaring ipasara ang negosyo ng mga lalabag, kumpiskahin ang mga produkto, kanselahin ang lisensya o permit, at patawan ng administratibong multa.
“Hindi biro ang responsibilidad ng isang pulis. Ito ay pinagkakatiwalaan ng mamamayan. Kaya bilang public service, mariin po naming pinapaalala: huwag subukan ang batas,” ani Gen. Nartatez.
Hinimok ng PNP ang publiko na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad o mga indibidwal na nagpapanggap bilang pulis. Sa paggawa nito, nakatutulong ang lahat sa pagprotekta sa komunidad laban sa panloloko, pandaraya, at posibleng panganib.
Mariing nag-react din ang National Police Commission (Napolcom) sa kontrobersiyal na larawan.
“Nauna na kaming nagbigay ng mahigpit na babala na ang uniporme ng pulis ay hindi, at hindi kailanman magiging, kasuotang pangkostyum. Hindi ito dapat binabastos,” ani Napolcom Vice Chairman at Executive Officer, Atty. Rafael Vicente R. Calinisan.
“Pinili ni Mangusing na balewalain ang babalang iyon. Pinili niyang gawing katatawanan ang uniporme ng pulis—ang parehong uniporme na sinuot ng aking ama at ina. Ang parehong uniporme na araw-araw na isinusuot ng 225,000 pulis. Marami ang nasawi sa serbisyo habang suot ang unipormeng iyon,” dagdag ng opisyal.
Bilang pakikiisa sa buong PNP, magsasampa ng kasong kriminal ang Napolcom laban kay Mangusing, ayon kay Atty. Calinisan.
“Huwag gamitin ang uniporme ng PNP para sa clout. Tiyak na mananagot ka. Inaatasan ko ang aming Legal Affairs Service at ang Inspection Monitoring and Investigation Service na makipag-ugnayan sa PNP upang magsampa ng nararapat na kaso at tapusin ang sirku na ito,” pahayag ni Commissioner Calinisan.
The post PNP uniform di costume, mga lalabag makukulong appeared first on Journal News Online.