Maymay nagpasalamat sa pagmamahal ni Joaquin na ‘’di bare minimum, ’di pilit, ’di kulang’

Walang duda na sobrang happy si Maymay Entrata sa kanyang non-showbiz boyfriend na si Joaquin Enriquez. Kitang-kita ito sa kanyang latest post kung saan ay nagbigay siya ng napaka-sweet na mensahe sa BF.

Sa nasabing mensahe ay inilarawan niya na ang pagmamahal ni Joaquin ay hindi ‘bare minimum,’ hindi pilit at hindi rin kulang.

“Walang kahit sino man ang makakaintindi how much I appreciate your hardwork just to always make me feel extra special. Thank you so much for making me realize na okay lang pala not to settle for the bare minimum… na deserve ko ang effort, consistency, at pagmamahal na hindi pilit at hindi kulang,” simula ni Maymay.

“You make ‘love’ feel safe, intentional, and genuine. I’m so grateful for you mahal for your patience, gentleness, kindness, and all the little things you do na higit pa sa inaakala mo,” patuloy niya.

Hiling ng dalaga kay Lord na gabayan ang kanilang pagmamahalan at sana raw ay patuloy pang lumawig ang kanilang relasyon.

“May God continue to guide us as we grow our faith in this relationship. May He always be at the center of everything we build together. More days to love, more memories to create, more prayers to whisper together, and more dreams to chase hand in hand. Happy Valentines Day My person, Joaquin,” pagtatapos ni Maymay.

Matatandaang isinapubliko nina Maymay at Joaquin ang kanilang relasyon last October, 2025.

Virgin brides Shaira, Kristel nag-collab

Nagkaroon ng collaboration si Kapuso actress Shaira Diaz at dating Kapamilya star na si Kristel Fulgar nang mag-guest ang una sa vlog ng huli recently.

Ang dalawa ay may something in common at ito ay pareho silang virgin nang magpakasal sa kanilang asawa.

As we all know, si Shaira ay ikinasal sa aktor na si EA Guzman habang ang napangasawa naman ni Kristel ay ang Korean na si Suhyuk Ha.

Sa vlog ay hindi naiwasan siyempreng mapag-usapan ang kanilang naging ‘goal’ na ikasal nang virgin.

Ayon kay Shaira, bukod sa naipangako niya ito sa kanyang mga magulang, talagang nais din daw niyang panatilihin ang virginity niya para sa kanyang sarili. Natatakot din daw kasi siyang mabuntis dahil feeling niya ay hindi pa siya handang maging ina.

Sey naman ni Kristel, goal niya talaga na isusuko lang niya ang kanyang virginity sa kanyang mapapangasawa.

Um-agree rin si Shaira dahil sinabi rin daw sa kanya ng mga magulang niya na ang pinakamagandang regalong maibibigay niya sa asawa niya ay purity.

Bagama’t magkaiba sila ng religion, sey nina Shaira at Kristel, nasa Bibliya rin ang tungkol dito.

“Sabi nila, kapag kunwari, ganitong age ka tapos virgin, parang nakakahiya. No. Parang for me, it’s something to be proud of,” sabi ni Kristel.

Sinang-ayunan naman ito ni Shaira.

“And it’s normal,” aniya pa.

Saad ulit ni Kristel, “Sabi nila, iba na ‘yung generation ngayon. Pero natutuwa ako sa mga nagki-keep rin ng promise nila sa sarili nila kagaya natin.”

Natutuwa rin ang dating child actress sa mga positive feedback na natatanggap mula sa netizens.

“May mga nagko-comment din sa akin nu’ng nalaman nila na gano’n ako, tapos lalo silang na-encourage na hindi lang pala sila nag-iisa.

“May mga nagtatanong, ‘Bakit kailangan pa i-share ‘yan sa social media? Oversharing naman kayo.’ For me, gusto ko rin ma-motivate ‘yung mga ibang kabataan na maging proud sila kung ano ‘yung gusto nilang panindigan,” aniya.

Sey naman ni Shaira, “Ang hirap bumuo ng pamilya sa Pilipinas, lalo na kung wala kang family planning, ‘di ba? Ang daming maagang nabubuntis kasi hindi sila educated sa ganu’ng bagay.”

Hindi naman daw sila against sa mga gumagawa ng pre-marital sex at nirerespeto nila ang mga ito.

“We respect them. Hindi mo naman kailangan mag-regret kung naibigay mo kaagad siya (virginity). No judgment about that. Para sa amin, awareness lang sa youth ngayon na it’s possible and doable siya.”

Ikatlong taon

Taos-puso ang pasasalamat ni Primetime King Coco Martin sa patuloy na paghahari ng “FPJ’s Batang Quiapo” sa puso ng mga Pilipino kasabay ng pagdiriwang nito ng mas maaksyon na ikatlong anibersaryo.

Sa ilang social media posts ng Dreamscape Entertainment, ginunita ang anibersaryo sa pagpapasalamat ng mga die-hard Kapamilya kay Tanggol sa pagbibigay nito ng todo-todong aksyon, drama, saya, at inspirasyon sa loob ng tatlong taon.

“Tatlong taon mo na kaming napapasaya, napapahanga, at napapaiyak sa bawat eksena,” sabi ng isang ka-Batang Quiapo. Saad naman ng isa pang manonood, “Maraming salamat sa patuloy na pagbibigay inspirasyon at saya sa aming lahat.”

Napapanood ang “FPJ’s Batang Quiapo” tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8 p.m., sa Kapamilya Channel sa ALLTV2, A2Z, iWant at Kapamilya Online Live.

The post Maymay nagpasalamat sa pagmamahal ni Joaquin na ‘’di bare minimum, ’di pilit, ’di kulang’ appeared first on Journal News Online.

About admin