PBBM pinangunahan pagdiriwang ng 7th anibersaryo ng DHSUD

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Lunes ang pagdiriwang ng ika-7 anibersaryo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa pamamagitan ng pagprisinta sa Pangulo ng makabagong teknolohiya sa konstruksiyon ng pabahay.

Idinaos ang aktibidad sa Megawide precast plant sa Taytay, Rizal.

Sa pagbisita sa precast plant, ipinakita kung paano makatutulong ang industrialized construction methods upang mapabilis ang paghahatid ng pabahay nang hindi isinasakripisyo ang tibay, kalidad, at abot-kayang halaga.

Binigyang-diin sa pagtitipon ang mas pinaigting na adyenda ng administrasyon na pabilisin ang produksyon ng pabahay sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan habang nagbibigay ng tulong sa mga pamilyang Pilipino sa iba’t- ibang modalidad ng Expanded 4PH Program.

Kasama ni Pangulong Marcos si DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling sa pagbisita sa pasilidad upang inspeksyunin ang mga makabagong sistema ng konstruksiyon na gagamitin ng Megawide sa mga proyektong Expanded 4PH.

Ayon sa Pangulo, bukod sa pagpapaikli ng panahon ng konstruksiyon, nakakatulong din ang modernong teknolohiya upang mapabilis ang pagtupad sa pangarap ng mga pamilyang matagal nang naghahangad ng sariling tahanan.

Bilang bahagi ng anibersaryo, pinangunahan ng Pangulo ang seremonyal na turnover at pamamahagi ng tulong pabahay sa mga benepisyaryo mula sa iba’t- ibang modalidad ng 4PH.

Ipinagkaloob ang mga simbolikong susi sa mga benepisyaryo ng vertical at horizontal housing projects sa Palayan, Nueva Ecija; San Mateo, Rizal; Caloocan City; Imus, Cavite; San Fernando, Pampanga; at Mamburao, Occidental Mindoro.

Namahagi rin ng Certificates of Lot Award (CeLA) sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP), gayundin ng Certificates of Entitlement (COEs) para sa mga benepisyaryo ng matagal nang Presidential Proclamations sa Los Baños, Laguna.

Kasabay nito, inilunsad ang pilot UP Rental Housing Project sa loob ng University of the Philippines Diliman campus.

“Ang pagtitipong ito ay patunay na ang Expanded 4PH Program ay umaarangkada na at nararamdaman na ng ating mga kababayan, lalo na ng mga higit na nangangailangan,” ayon kay Secretary Aliling

Saklaw na ng Expanded 4PH ang mas malawak na hanay ng mga benepisyaryo—mula sa mga manggagawa hanggang sa sektor na nasa impormal na hanapbuhay—sa pamamagitan ng vertical at horizontal housing, ECMP, rental housing, at mga lugar na sakop ng Presidential Proclamations.

Sa temang “Seven Years of Continuing Service: Celebrating Our People and Partners in Building Homes, Building Communities, and Building Happiness,” muling pinagtibay ng DHSUD ang pangako nitong isulong ang integridad, pananagutan, at kahusayan sa serbisyo para sa mas maunlad na pabahay at urban development sa bansa.

Itinatag noong 2019 sa bisa ng RA 11201, patuloy na pinagtitibay ng DHSUD ang mga polisiya at programang direktang nakapagpapabuti sa buhay ng mga Pilipino hindi lamang sa pagtatayo ng bahay, kundi sa pagbuo ng matatag, inklusibo at matibay na mga komunidad sa buong bansa.

The post PBBM pinangunahan pagdiriwang ng 7th anibersaryo ng DHSUD appeared first on Journal News Online.

About admin