TINIYAK ng Philippine National Police (PNP), sa pamumuno ni General Jose Melencio C. Nartatez Jr., na ginagawa nila ang lahat para matiyak na ang smuggling at iligal na pagmam-manufacture ng sigarilyo ay hindi magiging kagaya ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) na naging malaking suliranin sa bansa.
Ayon kay Gen. Nartatez, ito ang dahilan kung bakit agresibo ang PNP sa pangre-raid para makumpiska ang mas maraming iligal na sigarilyo at maipasara ang mga bodega at pabrika ng ilegal na pagmamanupaktura.
Noong Lunes, sinamahan ni Gen. Nartatez si Department of the Interior and Local Government Secretary Juanito Victor C. Remulla Jr. at Bureau of Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa pag-i-inspeksiyon sa tatlo pang iligal na pagawaaan ng sigarilyo sa San Fernando City, Mexico at San Simon, Pampanga.
Ang pagkakadiskubre sa tatlong karagdagang lugar ay kasunod ng pagbuwag sa isang iligal na manufacturing site sa Mexico kung saan nasamsam ang milyun-milyong pisong halaga ng sigarilyo at mga kagamitan.
Ang crackdown sa illegal cigarette production at smuggling ay iniutos matapos ang sunod-sunod na operasyon ng PNP Highway Patrol Group simula noong December 2024 na nagresulta sa pagkakakumpiska ng bilyon-bilyong piso na halaga ng smuggled cigarettes.
“The Philippine National Police will continue to sustain our successful operations against illegal cigarettes.
Our intelligence-gathering and information sharing with other government agencies have been intensified not only isinabin the conduct of operations but also in building airtight cases against those involved,” sinabi ni Gen. Nartatez.
Tiniyak niya ang matatag na paninindigan ng PNP na maging walang humpay sa laban kontra iligal na kalakalan ng sigarilyo.
Ang pahayag ay kasunod ng sinabi ni Marikina Rep. Romero Quimbo na ang iligal na kalakalan ng sigarilyo ay nagiging “new POGO” umano dahil ito’y pinatatakbo umano ng mga dayuhan at may bahid ng hindi makataong kondisyon sa paggawa.
“We have a clear guidance to stop all the operations relating to illegal cigarette trade, from smuggling to illegal manufacture in the country. And your PNP is doing well in the conduct of operations to stop this illegal activity,” ayon sa opisyal.
Ayon pa kay Gen. Nartatez, magpapatuloy ang mga raid laban sa mga hindi awtorisadong pabrika habang pinatitibay ng PNP ang koordinasyon nito sa iba pang kinauukulang ahensiya sa kampanya laban sa iligal na kalakalan ng sigarilyo.
Bago ito, idineklara ng pamahalaan na isa ng ‘social menace’ ang mga POGO dahil sa laganap na kriminalidad kabilang ang human trafficking, kidnapping, torture at money-laundering na ibinunga nito.
The post WALANG BAGONG ‘POGO’ MULA SA ILLEGAL NA YOSI —NARTATEZ appeared first on Journal News Online.