HINDI muna irerekomenda ng Senate Blue Ribbon committee ang paunang imbestigasyon laban kay dating House speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez sa revised partial report nito kaugnay ng isyu sa flood control, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson.
Sinabi ni Lacson, chairman ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations, na hindi isasama si Romualdez sa mga irerekomenda para sa preliminary investigation dahil wala pang validation o corroboration sa mga alegasyong direktang nag-uugnay sa kanya sa umano’y iregularidad.
“[He] is not being recommended… because there is no validation or corroboration,” ani Lacson, patungkol kay Romualdez.
Ayon kay Lacson, mananatili muna sa fact-finding at case build-up ang komite habang pinalalalim ang pagsipat sa aspetong pinansiyal ng isyu. Idinagdag niya na inirekomenda rin ng panel na ang Anti-Money Laundering Council ay mag-track ng account movements, bilang bahagi ng pagbusisi kung sapat na ang ebidensiyang nakalap para umusad sa susunod na hakbang.
Sinabi ni Lacson na sa ngayon, nakasandig pa rin ang usapin kay Romualdez sa mga pahayag ng kontrobersiyal na testigong si Orly Guteza. Si Guteza, na iniharap sa pagdinig ng Blue Ribbon noong nakaraang taon ni Senator Rodante Marcoleta, ay nagsabing personal umano siyang naghatid ng mga maleta ng pera sa mga tirahan nina Romualdez at dating Ako Bicol congressman Zaldy Co kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control.
Itinanggi nina Romualdez at Co ang mga paratang. May mga tanong din hinggil sa affidavit ni Guteza, na hindi pa niya sinasagot habang nananatili siyang nawawala.
Dagdag ni Lacson, maaari pang magbago ang magiging rekomendasyon sa final report kung may lalabas na corroborating evidence na mag-uugnay kay Romualdez.
“If… there is validation or corroboration… that could be changed… [and] he could then be included,” ani Lacson, hinggil sa posibilidad na maisama si Romualdez sa irerekomenda para sa preliminary investigation.
Noong pagdinig ng Blue Ribbon noong nakaraang buwan, dalawang testigo ang iniharap sa tangkang magtatag ng ugnayan sa pagitan ng contractor na si Curlee Discaya at ni Romualdez.
Nagpatotoo ang mga testigo na si Discaya umano ang namahala sa kanilang paglipat mula sa isang Forbes Park property na sinasabing inangkin niyang nabili na ni Romualdez, ngunit
itinanggi ito ng contractor. Maaari umanong maging paksa ang nasabing property sa mga susunod pang pagdinig ng Blue Ribbon.
The post LACSON:WALA PANG PAUNANG INVESTIGATION VS ROMUALDEZ appeared first on Journal News Online.