INISPONSOR ni Senadora Loren Legarda ang Senate Bill No. 1587 na naglalayong itakda ang petsa ng unang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao matapos ang ilang ulit na pagpapaliban.
Ayon kay Legarda, co-chair ng Philippine Congress–Bangsamoro Parliament Forum, ang panukala ay may kaugnayan sa pagpapatupad ng umiiral na balangkas ng kapayapaan sa rehiyon ng Bangsamoro.
“This is not an ordinary measure, and it does not concern an ordinary election. It sits at the center of our nation’s pursuit of peace, justice, and self-determination for the Bangsamoro people,” ani Legarda sa kanyang talumpati bilang co-sponsor.
Binanggit niya ang konteksto ng kasaysayan ng pakikibaka ng Bangsamoro. “Hindi ganap ang Pilipinas kung wala ang kwento ng Bangsamoro. Nakaukit ito sa ating kasaysayan, humuhubog sa ating kasalukuyan, at tumutukoy sa landas ng ating kinabukasan batay sa kung gaano natin ito tapat na kikilalanin at iingatan,” aniya.
Itinuro ni Legarda ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro at ang Bangsamoro Organic Law bilang legal na batayan ng transisyon ng rehiyon tungo sa sariling pamamahala at sa pagdaraos ng regular na halalan.
Sinabi niya na apat na beses nang naipagpaliban ang halalan sa BARMM: unang itinakda noong Mayo 2022 sa ilalim ng Republic Act No. 11054, inilipat sa Mayo 2025 sa ilalim ng Republic Act No. 11593, inurong sa Oktubre 2025 sa ilalim ng Republic Act No. 12123, at kalaunan ay itinakda sa Marso 2026 alinsunod sa direktiba ng Korte Suprema.
“Ang mga pagpapaliban na ito ay hindi nangyari nang walang dahilan, subalit sinubok nito ang pasensya at nagdudulot ng kawalan ng katiyakan sa ating mamamayang matagal nang naghihintay na ganap na maisakatuparan ang kanilang mga demokratikong karapatan,” ani Legarda.
Kinilala rin niya ang papel ng mga negosyador, mambabatas, lider ng komunidad, at mamamayan na bahagi ng proseso ng kapayapaan.
“Malinaw at simple lamang ang papel natin dito ngayon: ang tiyakin na ang eleksyon sa BARMM ay maganap sa pinakamaagang panahon,” pahayag ni Legarda.
Sinabi ni Legarda na makikipag-ugnayan ang Senado sa mga opisyal ng BARMM upang maisagawa ang unang regular na halalan sa pinakamaagang posibleng panahon at alinsunod sa mga pamantayan ng halalan.
The post Legarda gustong itakda petsa unang regular halalan sa BARMM appeared first on Journal News Online.