ISINUSULONG ni Senadora Risa Hontiveros ang Senate Bill No. 1819 upang harapin ang mga bagong banta sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC), kabilang ang paggamit ng AI-generated content at digital na pangingikil gamit ang sensitibong materyal.
“Sa bawat araw na dumadaan, may batang Pilipino na ginagawang produkto. Binibili, binebenta, at paulit-ulit na inaabuso, hindi sa madilim na eskinita, kundi sa loob ng mga online platforms na abot ang buong mundo,” ayon kay Hontiveros.
Pinalalawak ng panukala ang depinisyon ng Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) upang maisama ang mga larawang binuo o binago sa pamamagitan ng artificial intelligence.
Ikinokonsidera rin bilang hiwalay at tahasang krimen ang sexual extortion.
“Ang pananakot gamit ang pribadong larawan o video ng bata, ang paulit-ulit na pangingikil kapalit ng katahimikan, ay malinaw na krimen,” giit ng senadora. Aniya, may ebidensiyang ilang sindikato na sangkot dito ay maaaring kumikilos mula sa mga dating POGO compound.
Layon ng panukala na obligahin ang mga digital platform at payment service providers na hadlangan ang pagpapalaganap ng CSAEM. Kailangan na nilang magtalaga ng kinatawan sa Pilipinas at tiyakin ang pagkakaroon ng data-sharing at tracing systems.
“Money is the oxygen of this crime. Kung mapuputol natin ang daloy ng bayad, mapuputol natin ang negosyo,” ani Hontiveros.
Isinusulong din sa panukala ang paggawa ng isang Philippine Child Sex Offenders Registry — hindi lang para sa imbestigasyon at kaso, kundi bilang preventive tool sa mga institusyong may ugnayan sa mga bata. Magiging requirement ito para sa clearance at certification ng mga aplikante.
Buong suporta ring ibinigay ni Senadora Pia Cayetano, chair ng Senate Committee on Sustainable Development Goals, Innovation, and Futures Thinking. “With this measure, we are affirming the dignity and safety of every Filipino child on-screen and off-screen,” aniya.
Nagpasalamat si Hontiveros sa liderato ng Senado sa pagsama ng panukalang batas sa mga prayoridad ng LEDAC. “Kapag ang batas ay nahuhuli sa teknolohiya, ang talo ay ang bata,” dagdag niya.
The post Kung mapuputol daloy ng bayad, mapuputol negosyo ng OSAEC appeared first on Journal News Online.