LTFRB may konsultasyon para sa mga bus, PUV terminals

MAGKAKAROON ng pampublikong konsultasyon hinggil sa operasyon ng mga bus at iba pang public utility vehicle (PUV) terminals ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Pebrero 20 sa LTFRB central office sa Kalayaan Avenue, Quezon City

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, nakapagpadala na sila ng mga imbitasyon sa mga stakeholders upang mas mapalawak ang talakayan at matiyak ang pagsunod sa mga regulasyon.

“Ang pampublikong konsultasyon ay pangunahing tatalakay sa mga rekisito at akreditasyon ng terminal.

Inaasahan din natin ang masinsinang diskusyon sa pagbabahagi ng mga best practices na maaaring maiangkop at maipatupad,” ayon kay Mendoza.

Sinabi ni Chairperson Mendoza ang kahalagahan ng konsultasyon lalo na’t nagpapatuloy ang mas pinaigting na inspeksyon sa mga PUV terminals na may mga pasilidad na hindi maayos.

Mahigit 240 bus at PUV terminals ang na-inspeksyon at 116 sa mga ito ang natukoy na hindi sumusunod sa itinakdang pamantayan ng LTFRB para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.

Kabilang sa mga karaniwang paglabag ang hindi komportableng at delikadong waiting areas; hindi gumagana at maruming comfort rooms; kawalan ng aksesibilidad para sa senior citizens at persons with disabilities; at kakulangan ng sapat na safety at security plan.

“Dahil sa dami ng lumalabag, kailangan nating pag-usapan ito at makabuo ng mga hakbang na katanggap-tanggap sa lahat ng sektor—ngunit nakabatay pa rin sa umiiral na mga patakaran at regulasyon,” dagdag ni Mendoza.

Dagdag pa ni Chairperson Mendoza, mahalagang talakayin ito kasama ang mga terminal managers at operators, lalo na’t ang regular na random at surprise inspections sa mga bus at PUV terminals ay magiging bahagi na ng bagong normal.

The post LTFRB may konsultasyon para sa mga bus, PUV terminals appeared first on Journal News Online.

About admin