INAPRUBAHAN ng Senado sa huling pagbasa ang Senate Bill 155 o ang Direkta at Agad na Lingap at Interbensiyon (DALI) Act, ang panukalang naglalayong bawasan ang mga dokumentong hinihingi at pabilisin ang pagproseso ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan.
Sa botong 19-0-0, pasado na sa Senado ang panukala na alisin ang paulit-ulit na rekisito at tiyaking maiproseso ang ayuda kapag kumpleto ang mga dokumento.
Sa ilalim ng panukala, tatlong dokumento na lamang ang maaaring hingin: isang valid government-issued ID; billing statement mula sa ospital, klinika, o punerarya; at orihinal o certified true copy ng medical certificate o medical abstract na may kumpletong detalye.
Kapag naisumite ang kumpletong dokumento, inaatasan ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Philippine Charity Sweepstakes Office, PhilHealth na iproseso ang mga request sa loob ng araw ding iyon.
Ang mga request na maisusumite tuwing weekend, holidays, o lampas sa opisyal na oras ng trabaho ay ipo-proseso sa susunod na araw ng pasok.
Pinapayagan din ang mga kamag-anak hanggang ikaapat na antas ng consanguinity o affinity, o ang legal guardian, na maghain ng request sa pamamagitan ng authorization letter na may kalakip na valid ID ng benepisyaryo at kinatawan.
Papayagan din ang digital na paghahain ng mga request kapag naisabatas ang panukala, at inaatasan ang Department of Information and Communications Technology na paunlarin at gamitin ang eGov PH Super App o iba pang digital na sistema.
“This bill ensures that government assistance becomes truly accessible, inclusive, efficient, and responsive.
This is a reform rooted in social justice. It affirms a simple principle: Assistance should be given with compassion, not complication,” sabi ni Sen. Erwin Tulfo.
The post DALI bill pasado na sa Senado appeared first on Journal News Online.