Anti-Political DynastyBbill target mapasa sa Marso

SINABI ni Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, na target maipasa bago matapos ang Marso ang Anti-Political Dynasty Act matapos ang ikaapat na public consultation sa Marilao, Bulacan.

Ayon kay Hontiveros, ang mga suhestiyon at komento mula sa mga konsultasyon sa Pasig, Calamba, Bacolod at Bulacan ay pinagsasama-sama ng committee secretariat at ng kanyang legislative staff upang maihanda ang committee report.

“Pasok pa rin naman sa desired timeframe na makapagpasa ng batas this session or by late next month,” sabi ng senador.

Inamin ng senador na pinakamalaking hamon ang pagkakaroon ng pagkakasundo sa saklaw ng ipagbabawal ng panukala.

“Yung pinakamalaking hurdle talaga ay magkaroon ng consensus or kahit compromise sa degrees of relationship na iko-cover, yung overlap between national and local positions at what to do about the partylist. At saka yung issue ng ang ibaban ba ay consecutive lamang or simultaneous lamang o both,” paliwanag niya.

Layunin ng kanyang panukala na ipagbawal ang political dynasties hanggang fourth degree of consanguinity.

Gayunman, sinabi niya na mas mahalaga ang makabuo ng batas na maipatutupad at maaaring amyendahan sa mga susunod na Kongreso.

“And bilang chair naman ng Electoral Reforms Committee sa Senate, basta ang bottom line ko ay makapag-produce kami ng bill na may kwenta.

Impactful at hindi man perfect sa simula as I would like, hindi man ideal kaagad, pwedeng i-implement and in future congresses i-evaluate at i-amend at lalong palakasin ng mga Kongreso,” wika niya.

Nakikipag-ugnayan na rin umano siya sa Kamara para sa posibleng bicameral version bago isumite sa Malacañang.

Ang panukala ay naglalayong ipatupad ang probisyon ng Konstitusyon na nagbabawal sa political dynasties, na hanggang ngayon ay wala pang enabling law.

The post Anti-Political DynastyBbill target mapasa sa Marso appeared first on Journal News Online.

About admin