HINOLDAP ng limang Chinese national ang apat na katao, kabilang ang isang Filipino, isang Malaysian at dalawang Chinese, na dumalo sa maagang pagdiriwang bago ang Chinese New Year gabi ng Biyernes sa Parañaque City.
Kaagad namang nadakip sa isang entrapment operation ng mga tauhan ni Parañaque Police Chief P/Col. Nicolas Pinon si alyas “Xing,” 37-anyos, sa isang condominium unit sa Barangay Tambo dakong alas-6:30 Sabado ng umaga nang makipag-ugnayan sa mga biktima para humingi ng P120,000 kapalit ng pagsasauli niya ng kinulimbat na mga mobile phone.
Sa isinumiteng ulat ni Pinon kay Southern Police District Director P/BGen. Randy Arceo, nasa masayang pagtitipon ang mga biktimang sina alyas “Qiao” na 43-anyos at “Zhang” na 38-anyos, kapuwa Chinese national; 49-anyos na Filipino na si alyas “Joei”; at 30-anyos na Malaysian national na si alyas “Jimmy” sa isang silid ng gusali sa C. Santos Street, Brgy. Tambo, para sa maagang selebrasyon ng Chinese New Year nang magdeklara ng holdap ang mga suspek.
Kabilang sa mga nakuha sa mga biktima ang kanilang high-value cellular phones, luxury bags at kabuuang P280,000 cash bago mabilis na nagsitakas.
Iniutos na ni Arceo ang pagtugis sa apat pang Chinese nationals na ang isa ay nakilala sa alyas na “Tie Zhu,” pati na ang pagbawi sa mga nakulimbat sa mga biktima na bigong makuha sa nadakip.
The post ‘MINALAS’ SA CHINESE NEW YEAR, 4 NA NAG-CELEBRATE HINOLDAP appeared first on Journal News Online.