ITINAAS na sa ₱20 milyon ang pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na hahantong sa pagkakaaresto ng puganteng negosyanteng si Charlie Tiu Hay Ang, mas kilala bilang Atong Ang, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Inanunsyo ni DILG Secretary Juanito Victor Remulla Jr. ang pagtaas ng reward sa isang press conference, kung saan iginiit niyang seryoso ang pamahalaan sa paghuli kay Ang na itinuturong mastermind sa “Missing Sabungero” cases.
“We are increasing the bounty for Atong Ang to P20 million, for information leading to his arrest. We’re serious here,” ani Remulla.
Ayon sa DILG, manggagaling ang pondo sa confidential funds ng ahensya at ng Philippine National Police (PNP) na pinamumunuan ni Gen. Jose Melencio Nartatez Jr..
Si Ang, na may tatlong nakabinbing warrant of arrest, ang pangunahing akusado sa pagkawala ng 34 sabungero na umano’y sangkot sa game-fixing. Ang kanyang 20 co-accused — kabilang ang mga aktibo at sinibak na pulis—ay naaresto na, karamihan sa operasyon ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Bagaman may ulat na nakalabas na umano ng bansa si Ang, sinabi ni Remulla na naniniwala silang nasa Pilipinas pa ito. “We really believe nandito pa siya,” aniya, kahit pa may ulat mula sa Cambodian authorities na wala si Ang sa kanilang teritoryo.
Ayon kay CIDG Director Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, bukas 24/7 ang kanilang hotlines na 0960-6923025 at 0456-115926 para sa anumang impormasyon. Tiniyak din ng CIDG na mananatiling kumpidensyal ang pagkakakilanlan ng impormante, at sapat na ang pagpapakita ng SIM card na ginamit sa pagpapadala ng tip upang ma-claim ang reward.
The post PATONG SA ULO ATONG P20M NA appeared first on Journal News Online.