Isa pang bangkay narekober sa SAR  sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3

PCG1PCG1PCG3

Patay umabot na sa 52

NAREKOBER ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isa pang bangkay sa nagpapatuloy na search and rescue at dive operations sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3 sa karagatan malapit sa Baluk-Baluk Island, Basilan ngayong Pebrero 11, 2026.

Bandang alas-7 ng umaga nang simulan ng PCG technical divers ang pagsisid sa wreck site. Makalipas ang 15 minuto, narekober ng dive team ang isang babaeng biktima mula sa loob ng lumubog na sasakyang-pandagat.

Ipinadala ng BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) ang rigid-hull inflatable boat nito upang kunin ang bangkay mula sa dive site. Agad itong isinailalim sa tamang pagproseso at disposisyon.

Sa pinakahuling tala ng PCG, umabot na sa 52 ang nasawi habang 316 naman ang nailigtas kaugnay ng trahedya ng MV Trisha Kerstin 3. Patuloy ang operasyon ng mga awtoridad upang matiyak ang kabuuang bilang ng mga biktima at tuluyang mahanap ang iba pang nawawala.

The post Isa pang bangkay narekober sa SAR  sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3 appeared first on Journal News Online.

About admin