16 pulis ng Dasmariñas kinasuhan na sa DOJ

Dasmariñas City – Pormal na nagsampa ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ang isang grupo ng mga karpintero, manggagawa, at guwardiya na nagtatrabaho sa isang ari-arian sa Dasmariñas, Cavite laban sa 16 na tauhan ng Dasmariñas City Police.

Ayon sa lead legal counsel ng mga complainant na si Atty. Fatima Villanueva, kabilang sa mga isinampang kaso laban sa mga pulis — kasama ang kanilang hepe — ang arbitrary illegal detention at illegal arrest kaugnay ng umano’y ilegal na pag-aresto, pagmamaltrato, at pagkakadetine sa mga manggagawa.

“Ang mga kasong isinampa namin laban sa mga pulis ay kinabibilangan ng arbitrary illegal detention at illegal arrest, dahil sa kanilang ilegal na pag-aresto, pagmamaltrato, at pagdetine sa mga manggagawa,” pahayag ni Villanueva.

Ayon sa 18 complainant, sila ay nagtatrabaho sa naturang ari-arian sa Dasmariñas City nang umano’y sapilitang pinahinto ng mga pulis at inaresto kahit wala namang nagawang krimen, walang legal na batayan, at walang ipinakitang warrant of arrest.

Nauna nang naghain ang mga manggagawa ng reklamong administratibo laban sa mga pulis sa National Police Commission (NAPOLCOM).

Ayon kay Villanueva, layunin ng pagsasampa ng kaso na matukoy ang pananagutan ng mga opisyal batay sa ebidensiya at alinsunod sa proseso ng batas.

“Ipinagkatiwala namin sa Department of Justice ang imbestigasyon,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag ang mga pulis na inireklamo.

The post 16 pulis ng Dasmariñas kinasuhan na sa DOJ appeared first on Journal News Online.

About admin