KINONDENA ni Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales nitong Linggo ang aniya’y iresponsable at walang basehang social media posts ng pangha-harass diumano sa “presidential son” sa North Luzon Expressway (NLEX).
Nanawagan itong itigil ang pagkalat ng maling impormasyon at mga paratang na walang beripikasyon, na aniya’y nagpapalaganap ng alarma at misinformation.
“Kung wala namang nangyari at malinaw na itinanggi na ng Malacañang, tigilan na natin ang pagpapakalat ng fake news. Ang ganitong klaseng haka-haka ay nakakasira at nagdudulot lang ng kalituhan sa publiko,” pahayag ni Khonghun.
Sinabi ng Palasyo ng Malacañang, sa pamamagitan ni Presidential Communications Secretary Dave Gomez, na walang naganap na insidente na kinasasangkutan ng sinumang anak ng pangulo.
Ayon sa mga social media post, isang motorcade ng tatlong sasakyan ang humarang sa sasakyan ng presidential son sa may NLEX pasado alas-7 ng gabi ng Sabado.
Sinabi pa ng pinakalat na posts na diumano kinompronta ng mga 15 katao na sakay ng mga sasakyang rehistrado sa Bulacan ang convoy, matapos i-overtake ang mga sasakyan sa tatlong lanes ng expressway.
Sinabi ni Khonghun na ang pag-imbento o pagpapalaganap ng mga pekeng insidente na kinasasangkutan ng First Family ay “dangerous and irresponsible.”
“Hindi biro ang gumawa o magpakalat ng ganitong istorya. It undermines public trust and diverts attention from real issues that deserve serious discussion,” ani Khonghun.
Iginiit niya na ang pambansang talakayan ay dapat nakabatay lamang sa kumpirmadong facts.
“In an age where information travels fast, verification is more important than sensationalism. We must not allow rumors to dictate the national conversation,” pahayag ni Khonghun.
Binalaan niya na ang maling impormasyon ay nagpapahina sa demokratikong diskurso.
“If we allow this kind of misinformation to go unchecked, deception becomes normalized. That erodes the very foundations of informed democratic discourse,” saad ni Khonghun.
Hinikayat ni Khonghun ang netizens na kumuha lamang ng impormasyon sa official sources at maging responsable online.
“Simple lang po ang pakiusap namin: verify before you share. Huwag maging instrumento ng kasinungalingan,” sinabi ni Khonghun.
The post HARASSMENT SA NLEX FAKE NEWS — KHONGHUN appeared first on Journal News Online.