Driver ng LTFRB vehicle na nag-counterflow sibak

INANUNSYO ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang pagtanggal sa serbisyo ng driver na nasangkot sa viral video ng counter-flow gamit ang sasakyan ng ahensya.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang naturang hakbang ay bahagi ng pagpapatupad ng mga panukala upang maitaguyod ang disiplina at propesyonalismo sa lahat ng kawani ng ahensya, lalo na sa mga kaso ng pang-aabuso sa kapangyarihan.

Ang driver, na isang kontraktuwal na empleyado, ay agad na tinanggal matapos ang imbestigasyong iniutos ni Chairperson Mendoza nang mapanood ang viral video nitong nakaraang weekend.

“May malinaw na paglabag sa mga alituntunin ng kaligtasan sa kalsada batay sa video. Tinitiyak namin sa publiko ang aming agarang aksyon kaugnay sa insidenteng ito,” ani Mendoza.

Binigyang-diin niya na anumang paglabag sa mga patakaran sa kaligtasan sa kalsada ay hindi kukunsintihin sa hanay ng LTFRB.

“Hindi namin kinukunsinti ang ganitong uri ng asal na hindi lamang nagpapakita ng pang-aabuso sa kapangyarihan kundi naglalagay din sa panganib ang kaligtasan ng mga gumagamit ng kalsada,” dagdag pa niya.

“Bilang mga lingkod-bayan, dapat tayong manguna sa mahigpit na pagsunod sa batas at mga regulasyon. Ang anumang pagtatangkang gamitin ang kapangyarihan nang mali ay tiyak na makakaapekto sa tiwala ng publiko sa pamahalaan, at hindi ko ito papayagan.”

Binanggit din ni Chairperson Mendoza na ang insidente ay magsilbing aral sa lahat ng kawani ng ahensya upang kumilos nang may pananagutan at maging huwaran sa pagsunod sa batas.

Hinikayat din niya ang publiko na patuloy na isumbong ang anumang paglabag sa kaligtasan sa kalsada at iba pang uri ng pang-aabuso ng mga kawani ng LTFRB.

The post Driver ng LTFRB vehicle na nag-counterflow sibak appeared first on Journal News Online.

About admin