ISA si Christian Bautista sa mga kaibigan ni Mark Bautista na todo-suporta nang aminin nito ang pagiging bisexual ilang taon na ang nakakaraan.
Sa tinagal-tagal ng pagkakaibigan nila, may natatanging wish si Christian para kay Mark ngayong 2026 at ito ay ang makahanap na ito ng partner.
Sa mediacon ng upcoming concert nilang “Bautista x Bautista” na nakatakdang ganapin sa New Frontier Theater sa March 6, nahingan ang dalawa ng wish para sa isa’t isa.
Unang sumagot si Christian na nagsabing, “Ay, madali lang. Si Mark kasi single ngayon, so ang wish ko ay makahanap siya ng partner before, during or after March 6.”
“Grabe!” naman ang naging reaksyon ni Mark sa tinuran ng kaibigan.
“Well, alam mo, ang wish ko lang naman kay Christian ay kung ano pa man yung gusto niyang gawin, marami pa ‘yan gustong gawin, sana lahat ng gagawin niya ay magiging successful pa or madagdagan pa,” bweltang wish naman ni Mark para kay Christian.
Ayon sa kanya, hindi niya alam kung posibleng matupad ang wish na dyowa ni Christian para sa kanya.
“Hindi natin alam,” ani Mark, “‘di ko alam but now I am meeting people. Ang dami!? Pero sabi ko nga sa last interview ko na, ‘parang okay ‘to, ah, parang connected kami,’ ganyan-ganyan. Pero hindi ka pa rin sigurado or something. Parang may time na hindi pa kayo nagku-commit or something and then biglang magpe-fade na lang yung attraction or something.
“May mga ganu’n din. So parang nawawala. But at this point, sinabi ko lang du’n na my heart is in a happy place. Abangan! Kahit single, abangan!” panunukso ni Mark sa press.
Matagal na rin naman daw kasi siyang single, sey ng singer.
“Years. Masyado akong nag-enjoy. Alam mo sa panahon ngayon, na parang iniisip ko, everytime magbi-birthday ako, sabi ko parang kailangan na, kailangan mahanap ko na talaga,” saad ni Mark.
Nang usisain kung kailan ’yung last relationship niya, sagot niya, “Well, my gulay! Pwede bang hindi sagutin? Hahaha! No, but I had a relationship na one year. Yun nga, ta’s biglang nawala na lang. Nag-fade na yung ano… and that’s fine.
“Matagal naka-recover? Naka-move-on naman ako nang maayos. Kaya ko nasulat ang kantang… joke lang!” dagdag pa niya.
Anyway, sa hinaba-haba na nga ng pinagsamahan nila bilang magkaibigan at “All-Out Sundays” mainstays, feeling nina Mark at Christian ay panahon na para magsama sila sa iisang concert.
“There’s no more time to wait for anything sa buhay nating lahat. If we wanna do something sa buhay natin we gotta do it now,” katwiran ni Christian.
Kasama ang ilang surprise guests, ang “Bautista x Bautista” ay produced ng NA Management katuwang ang GMA Network sa ilalim ng direksyon ni Paolo Valenciano.
Available na ang tickets sa Ticketnet o sa 0995-7365768.
The post Bagong dyowa wish ni Christian para kay Mark appeared first on Journal News Online.