2 kelot nangholdap gamit pekeng baril arestado

NATIMBOG ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang lalaking pinaniniwalaang miyembro ng tinaguriang Jepoy criminal gang matapos mangholdap ng empleyado ng hotel sa Novaliches, Quezon City noong Huwebes gamit ang pekeng baril.

Kinilala ni QCPD director P/BGen. Randy Glenn Silvio ang mga nadakip na sina alyas Marvin, 33; at Dandevon, 23.

Sa ulat ni P/Lt. Col. Michael John Villanueva, hepe ng Novaliches Police Station, bandang alas-3:00 ng madaling araw nang pumasok ang mga suspek sa isang hotel sa Brgy. Nova Proper at umakyat sa 2nd floor pero hinarang sila ng receptionist at pinabalik sa lobby upang magbayad.

Gayunman, biglang sinakal ni Dandevon at tinutukan ng baril ang biktima at nagdeklara ng holdap si Marvin.

Inagaw ng mga suspek ang belt bag ng biktima, itinali ang mga kamay ng plastic straw at ikinulong sa kwarto bago tumakas.

Nai-report ang insidente sa mga pulis bandang alas-4:30 ng hapon kaya nahuli ang mga tirador sa Damong Maliit Road, Brgy. Nagkaisang Nayon.

Narekober mula sa mga suspek ang PhilHealth ID ng biktima at isang pekeng Glock na baril.

Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong robbery-holdap habang si alyas Dandevon ay kakasuhan din ng paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

The post 2 kelot nangholdap gamit pekeng baril arestado appeared first on Journal News Online.

About admin