“Umuunlad ang edukasyon kapag napanatili ang mga wika, ang pagkatuto ay nagsisimula sa wika ng kultura at tahanan.”- UNESCO
ANG tema ng Pandaigdigang Araw ng Inang wika sa Pebrero 21, 2026 (mas gusto kong gamitin ang “wikang minana” buhat sa Pambansang Artista ng Panitikan Amado V Hernandez) ay “Mga Tinig ng Kabataan sa Edukasyong Multilingguwal”.
Itinatampok ng tema kung paano ginagamit ng mga kabataan ang teknolohiya at inobasyon upang gawing mas nakikita at pinahahalagahan ang pagkakapantay-pantay ng nagkakaiba-ibang wika.
Marapat lamang na pakinggan at sundin ang tinig at panawagan ng mga kabataan na magkaroon ng edukasyong multilinguwal.
Ang wikang Ingles, ayon kay Dr. Paul Monroe (1925) , ang salot ng sistema ng edukasyon ng Pilipinas –– atrasado ng apat na taon ang estudyanteng Pilipino sa estudyanteng Amerikano. Sa kabila nito, ang mga pulitiko na naglalaway na maging estado ng Estados Unidos ang Pilipinas at mga pensionado na hanga sa “benevolent assimilation” ni Mckinley, ay patuloy na nagkunyapit sa mali at baluktot na patakaran ng wikang pangturo ng Pilipinas.
Sa mga dekadang sumunod pagkaraan ng ikalawang pangdaigdigang digmaan, nagsikap ang mga dalubhasa sa linguwistika, sikolohiya, at iba pang akademiko, upang pagtibayin ang sinabi ni Monroe at dahan dahan kinilala ang bisa ng wikang minana sa edukasyon ng Aguilar experiment, Edcom I at RA 10533.
Ang mga kabataan ay gumaganap ng mahalagang papel sa ebolusyong ito sa pamamagitan ng pagtatanggol at muling pagbibigay-buhay sa mga wika, paglikha ng digital na nilalaman, at paggamit ng teknolohiya upang gawing mas nakikita at pinahahalagahan ang iba’t-ibang wika. Pinapalakas ng mga pagsisikap na ito ang malalim na koneksyon sa pagitan ng wika, pagkakakilanlan, pagkatuto, kagalingan, at pakikilahok sa lipunan, habang binibigyang-diin ang pangangailangan para sa mga sistema ng edukasyon na kumikilala at sumusuporta sa mga wika ng mga mag-aaral.
Ang edukasyong multilingguwal ay nagtataguyod ng mga inklusibong lipunan at nagpapanatili ng mga hindi dominanteng wika, minorya, at katutubong wika. Pundasyon ito para sa pagkamit ng pantay na pag-akses sa edukasyon na akma sa lahat at mga pagkakataon sa panghabambuhay na pagkatuto para sa lahat ng indibidwal.
Ang mga wika, kasama ang kanilang masalimuot na implikasyon para sa pagkakakilanlan, komunikasyon, integrasyong panlipunan, edukasyon at pag-unlad, ay may estratehikong kahalagahan para sa mga tao at sa planeta.
Kapag kumukupas ang mga wika, gayundin ang mayamang tela ng pagkakaiba-iba ng kultura sa mundo.
Ang mga oportunidad, tradisyon, memorya, natatanging paraan ng pag-iisip at pagpapahayag — mahahalagang mapagkukunan para matiyak ang isang mas magandang kinabukasan — ay nawawala rin.
Ang laban para sa pagtatanggol sa mga wikang minana at paggamit nito sa edukasyon at iba pang aspeto ng buhay ng sambayanan Pilipino ay nasa kamay ng Millenials (1981-1996), Gen Z(1997-2012)at Gen Alpha( 2013-2025) . Imbes na maging sagabal sa pag-unlad ng kabataan ang mga henerasyon na lumaki at nabuhay sa kabila ng baluktot na bilinguwalismo na sobra ang pagkiling sa wikang Ingles at pagyurak sa wikang minana – silent generation( 1928-1945), baby boomers( 1946-2964) at Gen X( 1965-1980)-– tumulong sila na namailis ang kabataang Pilipino sa masaklap na kinatatayuan na bahagi ng 40% ng mga mag-aaral sa buong mundo na kulang pa rin sa pag-akses sa edukasyon sa kanilang wikang minana.
Ang kabataan ang lubos na makikinabang sa wikang minana sa kanilang pagkatuto na nagsisimula sa kanilang mga tahanan.
Siempre, sila rin ang mawawalan ng malaki sa pagkakilanlan ng sarili kung ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagsasantabi ng kanilang mga wikang minana na tunay na mabuting sandata laban sa kamangmangan.
Ito ang daan upang magkaraoon ng mapanuring pagi-iisip sa pagboto ng mga pinunong may sapat na kakayahan at bisyon para sa isang maunlad na bansa na tinutulak ng pagkakaisa ng layunin at mga paniniwala.
Sabi nga ng nanay ni Norman King, ang unang Aeta na nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas, “kung tanggap mo na kung sino ka, mas malayo ang iyong mararating.”
The post Pakinggan ang tinig ng mga Kabataan sa edukasyong multilinguwal appeared first on Journal News Online.