LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga ― Nasawi ang isang pasahero matapos mahulog mula sa umaandar na jeepney sa kahabaan ng MacArthur Highway nitong Biyernes ng madaling araw.
Dahil dito, nagsampa ng kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa drayber ng sasakyan.
Sa ulat na isinumite sa hepe ng Police Regional Office 3 na si Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., sinabi ng pulisya sa Pampanga na naganap ang insidente sa harap ng Our Lady of Fatima University sa Lungsod ng San Fernando.
Ang biktima, na hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan, ay pasahero ng jeepney na minamaneho ni alyas “Sagmit,” operator ng isang pampasaherong jeepney.
Batay sa paunang imbestigasyon, sumakay ang biktima sa jeepney sa harap ng Jenra Mall sa Angeles City at umupo sa tabi ng drayber.
Habang binabaybay ng sasakyan ang MacArthur Highway, napansin umano ng drayber na gumagamit ng cellphone ang pasahero.
Pagdating sa lugar ng insidente, bigla umanong nahulog ang pasahero mula sa jeepney at tumama sa sementadong kalsada, na nagdulot ng matinding pinsala sa katawan nito.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng San Fernando Rescue Unit at isinugod ang biktima sa Jose B. Lingad Memorial General Hospital, kung saan ito ay idineklarang dead on arrival dahil sa tinamong mga sugat mula sa pagkakahulog.
Ayon sa mga awtoridad, isinuko rin sa pulisya ang drayber sa kaparehong araw para sa kaukulang imbestigasyon at dokumentasyon.
Kasalukuyang humihingi at sinusuri ng mga imbestigador ang mga closed-circuit television (CCTV) footage mula sa mga kalapit na establisimyento upang matukoy ang eksaktong pangyayari sa insidente.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa drayber.
The post PASAHERO NAHULOG SA JEEP, DEDO! appeared first on Journal News Online.