7-ANYOS NA BATANG LALAKI NAKUHANG BANGKAY SA ILOG

Bata1NAKUHA na ang bangkay ng 7-anyos na batang lalaki na aksidenteng nahulog sa Tullahan River habang nakikipaglaro sa mga kaibigan Huwebes ng hapon sa Malabon City.

Dakong alas-11 Biyernes ng tanghali nang matagpuan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at Malabon Bureau of Fire Protection (BFP) ang katawan ng Grade 2 na estudyanteng si alyas “RNG” matapos ang magdamag na paghahanap sa malaking bahagi ng Tullahan River sa Barangay Tinajeros.

Sa ipinadalang ulat ni Malabon Station Community Affairs Section (SCAS) Chief P/Capt. Eduardo Antalan Jr., nakikipaglaro ang biktima sa tatlong babaeng kapitbahay na may edad na 7-, 8- at 9-anyos, at dalawang batang lalaking kapuwa edad 11-anyos Huwebes ng hapon sa tabi ng Tullahan River sa St. James Street, Brgy. Tinajeros, nang aksidenteng mahulog dakong alas-4:40.

Tinangka pang iligtas ng mga kapitbahay na sina Limuel Cabral at Jerry Valenzuela Jr. ang biktima nang ipabatid sa kanila ng mga kalaro ng bata ang pangyayari, subalit bigo silang makita ang bata kaya humingi na sila ng tulong sa awtoridad.

Kaagad namang pinakilos ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang MDRRMO at pulisya upang hanapin at sagipin ang bata, katuwang ang mga tauhan ng PCG at BFP, hanggang tuluyang makita ang bangkay matapos ang magdamagang paghahanap.

The post 7-ANYOS NA BATANG LALAKI NAKUHANG BANGKAY SA ILOG appeared first on Journal News Online.

About admin