NALILIBANG tayong lahat na makita ang mga bagong imbensiyon ng tao mula sa unmanned vehicles sa kalsada hanggang sa himpapawid.
Ang dating nasa kathang isip at mga napapanood lang nating nagsusuntukang heavy metal robot na mala-monster sa laki ay unti-unti na nating nakikita “in flesh.”
May mga lumabas nang robot na sinlaki na ng karaniwang tao, kumikilos na parang tao at nakakausap na parang tao.
Nagsimula ang mga ganitong creation na mga faceless robot bilang mga waiter/service crew sa mga hotels and restaurant noong dekada nubenta. Wala pa silang paa, wala pa silang mga kamay, isang item o object na may mechanical motor at gumagalaw mag-isa kapag napindot mo na ang on at kusang titigil kapag off naman ang iyong ginalaw.
Ang mga nakikita nating robot ngayon, kumpleto na ang kamay, mayroon na ring paa, mga mata at kapasidad ng tainga na makarinig. Hindi pa massive ang paglalagay ng human flesh bagama’t may ilang lugar na rin tayong nakikitang ginagawa na ring parang tao ang isang robot.
Sa ngayon, may tao pa na kumukontrol sa mga robot na nakikita natin kaya nakaayon pa rin sa dikta ng tao ang kanilang galaw. Pero may mga lalabas na rin na self-operating control na robot sa pamamagitan lang ng remote operation.
Ang nakakatakot dito, hindi na rin malayo ang posibilidad na palitan ng robot ang maraming trabaho na ginagawa ng tao.
Ang higit na nakakapangamba rito ay hindi rin malayo ang posibilidad na robot na rin ang siyang magiging kalaban ng tao sa hinaharap.
Kung may mga tinatawag tayong “suicide bombers”, posible na rin ang robot bombers na kayang maka-penetrate kahit saan.
Sa karaniwang panahon, may nga surveillance pa na kayang gawin ang tao sa kanyang kapwa tao na magpapasimula ng gulo. Paano kung robot na lang ang ipapakalat ng mga terorista at ang kontrol ay halos umaabot sa malayong kilometro?
Iyong mga napapanood natin noon na mga monsters robot sa pelikula ay hindi na rin malayong mangyari dito sa ating mundo kung hindi tayo mag-iingat.
Kailangan din magkaroon ng regulatory body ang buong mundo or ang bawat bansa kung hanggang saan ang limitasyon ng produksiyon at pagpapalabas ng robot na makikisalamuha sa tao.
Baka ang tuwa na nararamdaman natin ngayon sa pagdami ng robot ay mapalitan ng takot kung hindi natin ito aagapan.
The post ‘Monster robot’ appeared first on Journal News Online.