MATIMBANG ang isyu sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN) sa ikaapat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, tulad sa impeachment ng dating Chief Justice Renato Corona, ayon kay House committee on human rights chairman Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng Manila.
Tinukoy ni Abante, na endorser ng ikaapat na impeachment complaint laban kay Duterte, ang kaso ni Corona bilang patunay na nakasalalay ang mga mekanismo ng pananagutan sa pagsunod sa mga rekisitong nakasaad sa Konstitusyon.
“During the time of Chief Justice Corona, isa lang naman nakapag-convict sa kanya… He was not able to declare all his assets in his SALN,” sabi ni Abante, habang inaalala ang precedent na itinakda ng Senate impeachment court noong 2012.
Bumoto ang Senado ng 20–3 para hatulang guilty si Corona sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment dahil sa culpable violation of the Constitution, matapos mabigong ideklara sa kaniyang SALN ang $2 milyon at P80 milyon sa deposito.
Binanggit ng lider ng Kamara mula Maynila ang pag-uugnay habang tinatalakay ang mga alegasyon sa complaint, kabilang ang umano’y “failure to truthfully and fully declare assets, liabilities and net worth.”
Para kay Abante, ang impeachment proceedings — bagama’t politikal ang estruktura — ay dapat nakabatay sa ebidensiya.
“The impeachment proceeding is a political… but it is about evidence, it’s about facts,” sabi ni Abante.
Binigyang-diin niya na hindi dapat mauwi ang proseso sa partisan maneuvering, at idinagdag na dapat timbangin ng mga mambabatas at senador ang mga ebidensiyang ihaharap.
Sinabi ni Abante na gaya ng mga naunang impeachment, ang magiging resulta ay nakabatay sa kung may sapat na katotohanan at ebidensiya ang mga alegasyon.
“If there’s enough evidence, there’s enough facts and there’s enough evidence to warrant the impeachment of the vice president so be it,” ani Abante.
Muling iginiit ni Abante na ang Senado, na uupo bilang impeachment court, ang siyang magtatakda ng merito ng kaso, habang ang mga miyembro ng Kamara naman ang magsisilbing mga prosekutor.
The post ABANTE: ISYU NG SALN PRECEDENT SI CORONA appeared first on Journal News Online.