LTO nag-isyu ng SCO sa sangkot sa komprontasyon na nauwi sa road rage

NAGLABAS ng dalawang Show Cause Orders ang Land Transportation Office (LTO) kasunod ng isang insidente sa kalsada na nag-viral sa social media, kung saan dalawang sasakyan ang sangkot sa pisikal na komprontasyon sa Antilopolo City.

Layunin ng mga naturang kautusan na hingin ang paliwanag mula sa mga sangkot at masiguro ang nararapat na pagpapatupad ng batas trapiko.

Batay sa visual na dokumentasyon, lumilitaw na nilapitan ng isa sa mga driver ang kabilang sasakyan at nakipagkomprontasyon, na nagresulta sa isang gulo sa kalsada.

Inaatasan ang rehistradong may-ari at ang mga driver na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO at magsumite sila ng sworn comment/explanation kasama ang mga orihinal na dokumento upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa administratibong paglabag sa reckless driving at kung bakit hindi dapat bawiin ang lisensya sa pagmamaneho ng driver o hindi dapat masuspinde bilang improper person to operate a motor vehicle.

Bilang paunang hakbang, ang lisensya ng mga driver na sangkot ay isususpinde ng 90 araw at ang mga sangkot na sasakyan ay ilalagay rin sa alarm status habang patuloy ang imbestigasyon.

Ang pagkabigo na dumalo o magsumite ng komento/paliwanag ay ituturing na pagtalikod sa karapatang dumalo/magsumite, at ang LTO ay magpapasiya batay sa mga available na ebidensya na hawak ng ahensya. Maari silang humingi ng tulong mula sa abogado sa panahon ng imbestigasyon.

Patuloy ang LTO sa pagtiyak ng kaayusan at disiplina sa mga kalsada para sa kaligtasan ng lahat ng motorista at mamamayan.

The post LTO nag-isyu ng SCO sa sangkot sa komprontasyon na nauwi sa road rage appeared first on Journal News Online.

About admin