To the rescue rin si McCoy de Leon kay Coco Martin hinggil sa ibinabatong akusasyon ni Rod Navarro Jr.
Sa kanyang Facebook page ay ipinagtanggol ni McCoy ang producer/aktor/direktor na nakasama niya nang matagal sa “FPJ’s Batang Quiapo.”
Ayon kay McCoy, na tumatanaw ng malaking utang na loob kay Coco, napakalaki ng naitutulong ng aktor/direktor sa mga kasamahan sa industriya.
“Hindi naging madali trabaho ko sa Batang Quiapo. Mahirap ang naging trabaho dun pero mas mahirap pag walang trabaho,” simula niya.
“Nabigyan ako ng pagkakataon makatrabaho isa sa inspirasyon ko sa industriya. Napatunayan niya na hindi lang siya sa harapan ng camera tagapagligtas dahil kahit sa likod ng camera maraming siyang natulungan sa pagbibigay ng trabaho,” patuloy ni McCoy.
Naisalba raw siya ni Coco at dahil sa ‘FPJBQ,’ maraming oportunidad na dumating sa kanya kahit wala na siya sa serye.
“Naligtas niya rin ang ilan maging mabuti ang buhay at isa na ako dun kaya hindi ko pinalagpas yun, hanggang ngayon nagpapasalamat ako. Maraming oportunidad ang dumating sa akin pagtapos ko mawala sa Batang Quiapo.”
Mensahe pa niya, “Binigyan lang tayo ng oportunidad, paghirapan natin, pagsikapin kasi sa huli tayo na yun.”
Ikinalulungkot din ni McCoy na matapos tumulong ni Coco at ito pa ngayon ang masama.
“Nakakalungkot lang isipin na tumulong ka na, sa huli ikaw pa ang magiging masama,” aniya.
Bilang pagtatapos ay nagbigay din ng message of support ang aktor para kay Coco.
“Kuya, sana wag ka madadala tumulong lalo na sa mga baguhan at beteranong artista. Nandito ako palagi para sayo!” ang mensahe niya sa Kapamilya Primetime King.
Matatandaan na kamakailan ay naglabas ng sama ng loob kay Coco at sa production staff ng ‘FPJBQ’ si Rod Navarro Jr. sa kanyang Facebook account at sinabing hindi siya natrato nang maayos bilang artista sa serye.
Bukod kay McCoy, ipinagtanggol din ni Ogie Diaz si Coco at pinagsabihan si Rod Jr. sa mga naging pahayag nito laban sa aktor/direktor.
The post McCoy to the rescue kay Coco appeared first on Journal News Online.