Sa maagang pagdeklara ng pagtakbo sa 2028
SINABI noong Huwebes ni Bienvenido “Benny” Abante Jr., Tagapangulo ng Komite sa Karapatang Pantao ng Kamara mula sa Maynila, na ang maagang pagdeklara ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte ng kanyang pagtakbo sa pagkapangulo sa 2028 ay maaaring maglantad sa kanya sa mas matinding pagsusuri ng publiko habang umuusad ang ikaapat na reklamong impeachment.
Si Abante, na nag-endorso ng ikaapat na reklamong impeachment laban kay Duterte, ay nagsabing ayaw niyang “pangunahan kung ano ang intensyon ng Pangalawang Pangulo,” ngunit binigyang-diin ang tiyempo ng anunsiyo.
“Napakaaga ng kanyang announcement,” aniya, at itinuro na may “dalawang taon pa” bago ang halalan sa 2028.
Para kay Abante, hindi nito tinatapos ang kontrobersiya ang pahayag ni Duterte — sa halip, maaari pa itong lumawak.
“Ang kanyang announcement ay magbubukas ng Pandora’s box para sa lahat. Ilalantad siya nito sa publiko,” aniya.
Dagdag pa niya, inilalagay ng nasabing pangyayari ang responsibilidad sa Pangalawang Pangulo na sagutin ang mga tanong at isyung ibinabato laban sa kanya, habang sinusuri ng publiko kung anong uri ng pamumuno at direksyon ang kanyang iniaalok.
“At ngayon, nasa kanya na iyon kung paano niya ipapaliwanag sa sambayanang Pilipino,” ani Abante.
The post VP SARA MAGBUBUKAS NG PANDORA’S BOX appeared first on Journal News Online.