Apat na dayuhan tiklo sa paglabag sa visa rules

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto kamakailan sa apat na dayuhan dahil sa halu-halong paglabag sa mga patakaran ng kanilang visa.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, si Faaiz Ameer Garnie, 32, isang South African national, naaresto noong Pebrero 12 sa Camp Fort Magsaysay, Nueva Ecija dahil sa paglabag sa kondisyon ng kanyang working visa.

Natuklasan ang banyaga na nagtatrabaho sa kumpanyang hindi ang kanyang petisyonaryong employer na paglabag sa kondisyon ng kanyang 9G working visa.

Nagtatrabaho si Garnie bilang project manager sa lugar ng operasyon. Hindi niya naipakita ang kanyang pasaporte o mga dokumento sa imigrasyon sa oras ng inspeksyon.

Arestado din si Imran Khattak, isang Pakistani, dahil natuklasang nagtatrabaho bilang operations specialist ng walang valid working visa.

Noong Pebrero 13, dalawang Chinese national–sina Wang Jiabai (aka Kevin Wang), 43, at Wang Libi (aka Lisa), 46–ang naaresto sa Iloilo dahil sa overstaying at paglabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa bansa.

Natuklasan na si Wang Jiabai ay namamahala ng isang negosyo sa Balasan kahit wala nang balidong visa extension. Kumpirmado sa rekord na siya ay lumampas na sa itinakdang panahon ng kanyang pananatili.

Samantala, si Wang Libi ay naaresto sa Barotac Nuevo matapos matuklasang nagtatrabaho sa kumpanyang hindi ang kanyang petisyonaryong employer at nabigong magpakita ng pasaporte o dokumento sa imigrasyon.

Binigyang-diin ni Viado ang pangako ng Bureau na mahigpit na ipatupad ang batas sa imigrasyon.

The post Apat na dayuhan tiklo sa paglabag sa visa rules appeared first on Journal News Online.

About admin