HINDI pa tapos ang tungkulin ng Independent Commision for Infrastructure (ICI) dahil dapat pa silang maglabas ng subpoena matapos ang testimonya ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y iregularidad sa flood control projects sa Naujan, Oriental Mindoro.
Tumestigo si Dolor bilang saksi ng prosekusyon at kinumpirma na ang P289.5‑milyong flood control project sa Naujan ay gumamit ng mababang uri ng materyales at hindi tumalima sa itinakdang pamantayan.
Inilarawan pa niya ang mga estrukturang sinuri sa Barangay San Andres bilang “hindi totoong proyekto” kundi “aksaya ng pera ng taumbayan.”
Pinatibay ng kanyang pahayag ang naunang audit findings at lalo pang nagbigay bigat sa mga kasong graft at malversation laban sa mga opisyal ng DPWH Region IV‑B at isang kompanya.
Kinumpirma kamakailan ni ICI Executive Director Atty. Brian Hosaka na maingat na binubuo ng komisyon ang mga kaso upang matiyak na matibay ang ebidensya bago magsampa ng reklamo.
Noong Nobyembre 2025, isang subpoena duces tecum ang ipinadala sa isang mayor na humihiling ng mga construction permit para sa flood control projects subalit tugon ng alkalde, walang anumang aplikasyon ang naihain sa lokal na pamahalaan.
Tinataya ng komisyon na hindi bababa sa P63 milyon ang nasayang na pondo ng bayan dahil sa mga ghost project, mababang kalidad ng konstruksyon, at labis na mahal na flood control initiatives sa Oriental Mindoro.
Nauna nang nagbabala si DPWH Secretary Vince Dizon hinggil sa kaparehong anomalya sa probinsya at dahil sa pagkakasama ng testimonya ni Dolor sa rekord at sa patuloy na pagpapalabas ng mga subpoena, lalong tumitindi ang panawagan na ipagpatuloy ng ICI ang imbestigasyon nang may agarang aksyon at ganap na transparency, upang matiyak ang pananagutan sa isa sa pinakakontrobersyal na flood control projects sa bansa.
The post Subpoena ng ICI sa flood control probe dapat ilabas matapos ang testimonya ni Dolor appeared first on Journal News Online.