ANG naging pasya ng isang korte kaugnay ng voting machines sa Rosales, Pangasinan ay maaaring magmukhang karaniwang alitang pulitikal sa isang bayan. Ngunit sa mas malalim na pagtingin, may dala itong mensahe na umaabot sa buong bansa.
Ang Pilipinas ay gumagamit ng iisang automated election system sa ilalim ng Commission on Elections (Comelec).
Pare-pareho ang makinang ginagamit, pati ang mga panuntunan at proseso. Dahil dito, anumang isyung lilitaw sa isang lugar ay hindi maihihiwalay sa kabuuang sistema ng halalan para sa buong bansa.
Hindi lamang ito tanong kung sino ang dapat maupo sa pwesto. Ang mas mahalagang usapin ay kung sapat at maayos bang naipatupad ang mga mekanismo na nagtitiyak na tama ang pagbasa at pagbibilang ng boto gamit ang mga Automated Counting Machines.
Kapag may desisyong panghukuman na tumatalakay sa paggamit o pangangasiwa ng voting machines, likas na nababahala ang publiko.
Ang automation ay ipinakilala upang palakasin ang kredibilidad ng halalan, mas mabilis ang resulta, mas malinaw ang proseso, at mas mababa ang tsansa ng manipulasyon. Paulit-ulit namang ipinahayag ng Comelec, sa pamumuno ni Chairman George Erwin Garcia, na may sapat na seguridad at beripikasyon ang sistema.
Gayunman, kapag may lumilitaw na katanungan, mahalagang ito ay agad at malinaw na maipaliwanag ng Comelec. Ang hindi natutugunang pagdududa ay maaaring magdulot ng pangkalahatang pag-aalinlangan.
Sa dulo, ang halalan ay nakatayo sa pundasyon ng tiwala. Kapag nananatiling buo ang kumpiyansa ng mamamayan na ang kanilang boto ay wasto at patas na nabibilang, nananatiling matatag ang ating demokrasya. Ngunit kung ito ay matitinag, mas malawak ang magiging epekto kaysa sa isang lokal na laban.
Kaya ang mga ganitong pangyayari ay hindi dapat basta isantabi ng Comelec. Ang malinaw na paliwanag at bukas na proseso ang susi upang mapanatili ang paniniwala ng taumbayan sa sistema ng halalan.
The post Isyu sa voting machines may national impact appeared first on Journal News Online.