PALAGI ko namang naikukumpara ang mga kabataan noong araw sa mga kabataan ng kasalukuyang henerasyon.
Kaya nga alam na alam ko at nararamdaman ko kung saan nanggagaling ang mga pahayag ni Senador Robin Padilla na nagsasalarawan ng mga kabataang ngayon.
Palagi ko namang sinusuportahan si Robin sa kanyang mga maayos at matatag na paninindigan sa isyu kahit minsan ay nababatikos din natin siya sa mga bagay na tingin ko ay nagkukulang o sumosobra siya.
Noong mga unang buwan niya sa Senado, isa ako sa mga masugid na supporter ni Robin, lalo na sa paggamit ng lengguwaheng Filipino sa pakikipagtalastasan sa kapulungan.
Maging ang kanyang tayo sa pederalismo at mga hakbang na makapagpapabuti sa ating bansa, nakasuporto tayo sa kanya. Pero noong nagsusuklay na siya ng bigote sa Senado at parang kambing na ngumangata ng kornik or anumang kutkutin habang nagaganap ang public hearing, nahalibas din natin siya.
Pinuna rin natin ang kanyang mahabang buhok na tingin natin ay hindi angkop kaya natuwa tayo nang bumalik siya sa clean cut ata nag-ahit ng kanyang bigote.
Sa totoo lang, mas maayos na tao si Robin kung ikukumpara sa mga bumatikos sa kanya.
Dito sa isyu ng sinabi niyang “weak” ang mga kabataan ngayon ay hindi ito basta hinugot kung saang pananaw. Ito talaga ang reyalidad sa ngayon, aminin man natin o hindi.
Bilang nagmula sa kabataan ng dekada 70, puwede nating sabihing tama si Robin dahil sa totoo lang naman, hindi pa namin narinig ang salitang depresyon noon at lalong hindi naranasan.
Masaya lang kami noon, maglalaro, mag-aaral, kakain at manonood ng telebisyon. Kung maganda ang panahon, mag-aakyatan kami sa mga puno ng bayabas, caimito, santol at mangga para mamitas ng mga bunga at maglalakad na pangos-pangos ang mga iyon.
Kapag maulan, maghahabulan habang sinasahod ang aming mga ulo sa alulod ng mga kapitbahay. Kapag tumigil na ang ulan, doon na ang panahon para manghuli ng mga salagubang, gagamba at pakakang bukid!
Ganoon umiikot ang buhay naming mga kabataan noon na walang hawak na gadgets, walang pagkukumpara ng kung ano ang mayroon at kung anong ang wala. Maliban na lamang sa pagyabangan kung sino ang magaling sa luksong-baka.
Kaya nga totoo ang sinabi ni Robin, hindi nga namin alam ang salitang kalungkutan noong araw, lalo pa ang depresyon!
Wala tayong nakikitang masama at wala ring mali sa sinabi ni Robin. Tumingin lang kayo sa inyong paligid ngayon, walang pasensiya ang mga kabataan, walang pagtitiyaga at parang napakahirap nilang kausapin sa maraming bagay.
Gusto nila, iyong instant, iyong sa isang kisapmata, lutas na lahat ang problema, nasa kamay na nila ang mga pangangailangan nila.
Hindi nila inabot iyong pupunta ka sa library para maghanap ng mga detalye na kailangan mo sa iyong research at mga assignments. Isang pindot lang nila, may google silang kasama kaya kapag nahirapan na, madali silang sumusuko.
Huwag na tayong magkaila, tama si Robin!
allanpunglo@gmail.com
The post Kabataan noon di narinig, naranasan ang depresyon appeared first on Journal News Online.