QC sa mga tao: Year of Fire Horse salubungin sa Banawe

INAANYAYAHAN ang mga residente ng Quezon City na salubungin ang Year of the Fire Horse sa Banawe Chinatown district sa Pebrero 17.

Layunin ng selebrasyon na parangalan ang kulturang Tsino at Filipino-Chinese, at itampok ang Banawe bilang destinasyong pangkultura at panturismo.

Nagsimula ang pagdiriwang noong Pebrero 10 sa Food Crawl, isang culinary adventure sa Banawe St. na nagtatampok ng mga restawran ng Tsino at Filipino-Chinese gaya ng King Chef Banawe Branch, Uniku Taiwanese Restaurant, Sincerity Fried Chicken, Juwei by King Chef, Banawe Soybean Curd at The Coze Café.

Kasama sa mga events sa Pebrero 17 ang Bike Ride Banawe Loop na magsisimula sa Z Square Mall at magtatapos sa N.S. Amoranto Sr. Avenue; Gallery Area na tampok ang mga workshop at aktibidad gaya ng calligraphy, origami, Chinese painting, paggawa ng parol, wishing tree installations, zodiac panels at mga photo area na may temang pangkultura; drum and lyre Competition na lalahukan ng anim na paaralan; at best decorated establishment competition na tampok ang mga restawran at negosyo sa Banawe na magpapakita ng kanilang pinakamagagandang dekorasyon.

“Ang Chinese New Year ay isang makabuluhang panahon ng panibagong simula, pag-asa, at sama-samang kasaganaan—hindi lamang para sa komunidad ng Tsino at Filipino-Chinese kundi para sa lahat ng QCitizens.

Sa sama-samang pagdiriwang na ito, kinikilala natin ang malalim na ambag ng Fil-Chi community sa kasaysayan, kultura, at pag-unlad ng ating lungsod, habang pinatitibay ang diwa ng pagkakaisa na siyang tatak ng Quezon City,” sabi ni Mayor Joy Belmonte.

The post QC sa mga tao: Year of Fire Horse salubungin sa Banawe appeared first on Journal News Online.

About admin