“Nang walang pagmumuni-muni, bulag tayong nagpapatuloy na lumilikha ng higit pang hindi sinasadyang mga kahihinatnan, at nabibigong makamit ang anumang pakinabang. “-Margaret J. Wheatley
ANG Cobra Effect ay nangyayari kapag ang isang mapanikis na pampasigla (perverse incentive) para mabago ang hindi katanggap-tanggap na problema ay nagbubunga ng hindi kanais-nais na resultang nagpapalala sa orihinal na problema.
Ang insentibo ay hinahabol sa pamamagitan ng mga pilipit na paraan na hindi inaasahan ng kinauukulan.
Ang patakaran na may mabuting intensyon ngunit may maikling pananaw, ay nagbibigay ng hindi sinasadyang negatibong kahihinatnan na taliwas sa layon.
Ang pagsisikap ng DepEd na gantimpalaan ang mga masipag at may malasakit na guro upang mabawasan ang mga pasaway na titser ang nagluwal ng isang cobra effect– ang mass promotion ng mga estudyante na nagpalala ng “learning poverty” ng bansa.
Maganda ang intensyon ng DepEd na magbigay ng gantimpala sa mga gurong nagsisikap subaybayan ang kanilang mga estudyante, at ng mabago ang ugali ng mga pabayang titser.
Bagamat hindi inaalis sa mga titser ang kanilang karapatan na magbagsak ng estudyante, mayroon naghihintay na dagdag na trabaho sa kanila kapag ipauulit ang baitang sa bata.
Kailangan magsaysay sa punong guro ng mga hakbang na ginawa nila ngunit sa kabila nito ay hindi natuto ang bata.
Ang titser lang ang tanging dahilan sa mababang marka ng bata bagamat marami pang mas mabigat na dahilan ng mahinang gampanin ng bata sa klase.
Kabilang dito ang karalitaan ng pamilya ng bata, at ang hindi paggamit ng wikang minana ng bata bilang wikang pangturo at pagsusulit.
Imbes na makapagpahinga ang titser sa dalawang buwang bakasyon, ang bata ay kailangan niyang turuan upang makahabol sa susunod na baitang.
Walang katiyakan kung epektibo ang remedyong ito sa pagkatuto ng bata.
Dagdag pa rito ang banta na hindi makakatanggap ng “performance incentive” ang titser na pangdagdag sa kanyang suweldo.
Kung sino man sa DepEd ang nagbalangkas ng patakarang ito ay bulag sa katotohanang dinadanas ng mga guro at estudyante araw-araw, taon-taon, at deka-dekada.
Mahirap subaybayan ng pobreng guro ang progreso ng 50 estudyante sa isang silid paaralan na para lang sa 30 bata.
Kulang ng mga teksbuk at gamit pangturo. Ang kurikulum na ipinangakong luluwag sa K-12 program ay nananatiling siksik at hindi kakayaning matapos sa isang taong pampaaralan.
Dahil pinapaspasan ang mga aralin, wala ng oras para magdaos ng pagsasanay sa mapanuring pag-iisip.
Ang mga guro ay hindi mga robot. Kailangan din nila ng pahinga. Sa pag-iwas sa dagdag na trabaho at paghahabol ng pangdagdag sa suweldong kinakain ng “inflation” , pikit bulag na ipapasa nila ang mga estudyante na napag-iiwanan ng pagkatuto.
Ang patakaran ng Dep Ed para masala at mabawasan ang mga “underperforming “ na titser ay bigo na makamit ang inaasahang resulta.
Nagsisilbing babala ito sa labis na kumpiyansa ng mga akademikong mahina sa aplikasyon ng teorya na kinukunsinti ng mga naggagaling-galingan at hambog na politiko na baliw sa ilusyon ng kontrol at gahaman sa pera ng bayan.
Ang cobra effect ay nag-umpisa sa India ng kolonya ito ng Inglatera.
Naging problema ang malaking populasyon ng mga cobra na panganib sa tao sa Delhi.
Upang mabawasan ang mga namamatay sa tuklaw ng ahas, nag-alok ng pabuya ang mga Ingles sa lahat ng tao na papatay ng cobra.
Kabaligtaran ang nangyari. Sinimulan ng mga tao ang pagpaparami ng mga cobra upang makakuha ng gantimpala. Nang itinigil ang pabuya, ang laki ng populasyon ng cobra ay lalong lumala.
Ang problema sa edukasyon ay malubha at komplikado.
Hindi ito kayang malutas ng simpleng solusyon hango sa aklat na hindi kinikilala ang kahinaan ng istraktura ng sistema.
Kailangan ng seryosong pagmumuni kung saan natin dadalhin ang bansa at malalim na pagsangguni sa mga titser na magpapatupad ng reporma sa silid paaralan.
Matutuklaw tayo ng cobra kung patuloy na paiiralin ang “ego” ng mga akademikong may dagdag na letra sa pangalan at mga dinastiyang politikal..
The post Ang mass promotion ay cobra effect appeared first on Journal News Online.