BINATIKOS ni Manila 3rd District Representative Joel Chua ang Bureau of Customs (BOC) sa talamak na smuggling ng sigarilyo sa bansa.
Sa pagharap sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means sinabi ni Chua na nakitang hindi handa ang ahensya na tugunan ang problema sa smuggling.
Ani Chua, dumating sa Kamara ang mga opisyal ng Customs nang walang bitbit na formal letter mula kay Commissioner Ariel Nepomuceno na maglalaman ng paliwanag kung bakit bigo itong makadalo sa hearing.
Wala ding naihandang presentation ang mga opisyal ng Customs para sa pagdinig ng komite.
Ani Chua, ang ibang ahensyang humarap sa komite ay handa naman nang dumating sa Kamara gaya ng Department of Finance at Bureau of Internal Revenue.
Sinabi ni Chua na ito ang dahilan kaya nalulusutan ang BOC sa smuggling dahil simpleng paghahanda lang sa hearing ay hindi pa nito magawa.
Sa ginawang pagdinig, nasermonan nina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Marikina Rep. Miro Quimbo si BOC Deputy Commissioner for Intelligence Romeo Allan Rosales dahil sa hindi pagsipot ni Nepomuceno.
Ayon kay Rodriguez, dapat mayroong formal letter mula kay Nepomuceno na magpapaliwanag kung bakit hindi siya nakadalo sa congressional inquiry.
Paliwanag ni Rosales, kasabay kasi ng hearing ang event ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) kung saan nagsilbing guest speaker si Nepomuceno.
Nagpaliwanag din si Rosales sa kawalan ng nakahandang presentation at sinabing handa naman silang mga opisyal na ilahad ang datos at mga impormasyon patungkol sa smuggling operations, mga nakumpiskang yosi at tobacco products at mga naisampang kaso.
Ikinasa ng House Committee on Ways and Means ang pagdinig sa large-scale tobacco smuggling sa bansa na ayon kay Quimbo ay lalo pang lumalala.
The post Chua: BOC di handang tugunan problema sa smuggling ng yosi appeared first on Journal News Online.