Ogie naniniwalang may future si Liza sa Hollywood

Inamin ni Ogie Diaz na marami ang nagtatanong sa kanya kung gusto ba niyang i-manage ulit ang dati niyang alagang si Liza Soberano.

Sa interview ng TV host/content creator sa podcast ni Rico Hizon ay ito rin ang naitanong sa kanya.

“Alam mo ang daming nagtatanong sa akin niyan,” sey ni Ogie, “na ang lagi kong sagot, ‘let’s see’ kasi unang-una gusto ba ni Liza? Du’n ako manggagaling eh.”

Kung sakali, mag-uusap daw muna sila ni Liza ng mga dapat gawin para sa career nito.

“Kung gusto mo anak, ito pag-uusapan natin. Ito dapat ang baguhin natin, ito dapat ang manatili sa’yo, ‘yung hinahanap-hanap nila ng mga fans mo sa ‘yo, dapat ibalik mo, dahil sila naman din ang dahilan kung bakit ka sumikat, mga ganyan,” ani Ogie.

“Alam ko naman na makakabalik si Liza, kahit hindi ako manager niya,” dagdag pa niya.

Bilang dating manager nga ni Liza, aniya ay suportado niya ang Hollywood dream ng aktres.

“Sinabi ko rin sa kanya ‘yan na support ako du’n sa kanyang Hollywood dream kasi gusto talaga niya ma-penetrate ang Hollywood,” aniya.

When asked kung na kay Liza ba ang mga katangian para maging Hollywood star, sagot ni Ogie, “Yes, oo, eh, mukha lang niya, ang ganda-ganda, hanggang ngayon hindi pa rin nagbabago, ang ganda pa rin ni Liza, ‘di ba?”

Naibahagi rin ni Ogie ang kanyang happiness nang mag-reply si Liza sa kanyang birthday greetings last January.

“Binati ko siya nu’ng birthday niya, nag-reply naman siya na sana rin daw, okay ako, ganyan, pati family ko. Sobra na akong ano nu’n, happy. Grabe!” sey niya.

“Isa nang ano ‘yun, parang baby step ba. ‘Pag nakita ko siya, talagang ako pa ang lalapit sa kanya. Twelve years! Babalewalain mo ba ‘yun? Iyong pinagsamahan namin nu’ng bata. Ako pa ‘yung naging second dad niya,” dagdag niya.

Bagama’t wala naman daw sila sa level na nagtsa-chat na sa isa’t isa, okay na raw siya na nag-reply sa kanya si Liza na maituturing na first communication nila in three years matapos ngang maghiwalay ang landas nila bilang talent-manager.

Nang matanong naman kung may ideal scenario ba siyang nasa isip kung sakaling magkikita silang muli ni Liza, sey ni Papa Ogs, mas gusto niya kung biglaan at hindi plinano.

“Biglaan dapat, ‘yung aksidente lang na nagkita kami, iyon ‘yung genuine para sa akin. Eh, kasi, ‘pag nagkikita kayo, ‘Magkita tayo,’ siyempre aaralin mo na kung anong sasabihin mo, anong iku kwento mo. Ito, kapag biglaan, mas raw,” ani Ogie.

The post Ogie naniniwalang may future si Liza sa Hollywood appeared first on Journal News Online.

About admin