MARIIN na nilinaw ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na ang binabago sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa mga flood control project ang terminolohiya lamang, wala umano “kompromiso” na magaganap para palambutin ang nilalaman ng ulat.
Sa panayam sa DZBB, sinabi ni Lacson na ang unang bersyon ay may linyang “to be charged” o “recommended to file charges,” at ito ang pinalitan ng mas tiyak na rekomendasyon na “recommended to undergo preliminary investigation.”
“Pinalitan ang lingwahe pero wala naman na bago sa intent o substance,” aniya na mananatili dahil ang pinagbasehan nito ay sapat na ebidensiya.
Ipinaliwanag niya na puwedeng ma-misinterpret ng publiko ang “filing of charges” na para bang nasa korte na ang usapin, gayong wala umanong kapangyarihan ang Senado o ang Blue Ribbon Committee na magsampa ng kaso sa korte at ito ay wala sa kanilang kapangyarihan.
“After all sabi ko nga hindi pwede magsampa ng kaso sa korte ang Blue Ribbon Committee o ang Senado,” sabi ni Lacson, at idinagdag na mandato ito ng Department of Justice at Office of the Ombudsman.
Tinugon din ni Lacson ang mga tanong kung may pulitikal na dahilan ang pagbabago at iginiit niyang hindi nito binago ang punto ng ulat.
“Maski may kompromiso sa paggamit ng lingwahe, hindi naman na-compromise ang sustansya,” aniya.
Ipinaliwanag din ni Lacson na may iba’t ibang maaaring irekomenda ang komite, tulad ng preliminary investigation, case build-up sa DOJ, o fact-finding sa Ombudsman, at hindi lahat ng fact-finding o case build-up ay umaabot sa preliminary investigation kung kulang ang ebidensya para maitaguyod ang probable cause.
Sinabi rin niyang may rekomendasyon sa draft na magsagawa ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng “tracking ng movement ng accounts,” bilang bahagi ng pagsunod sa posibleng daloy ng pera na kaugnay ng mga alegasyong lumitaw sa pagdinig.
Ayon kay Lacson, natapos ang final draft matapos ang session noong gabi bago ang panayam at inaasahang ilalabas ito sa mga kasamahan niya, at kapag nakakuha ng sapat na pirma ay maisasama na ito sa opisyal na proseso ng Senado. “Kagabi pa lang natapos after noong session ang final draft. So today na-expect namin i-roll out yan sa aking mga kasamahan,” aniya, at sinabi rin niyang kumpiyansa siyang makakalap ng hindi bababa sa 11 pirma.
Binalaan din niya ang publiko laban sa pag-aakalang pareho ang tingin ng mga imbestigador at mga piskal sa ebidensya, dahil ang prosecutors umano ang sumusunod sa mga pamantayan sa rules of evidence at sa pagdedesisyon kung aabot ito sa pagsasampa ng kaso at ang mga bagay na ito aniya ay hindi trabaho ng senado.
The post DRAFT PALIT SALITA, WALANG KOMPROMISO appeared first on Journal News Online.