NANINDIGAN si Senadora Risa Hontiveros noong Miyerkules na hindi matitinag ang Senado sa pahayag ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas matapos pagtibayin ng kapulungan ang resolusyong kumokondena sa mga naunang banat ng embahada laban sa mga opisyal at institusyon ng bansa.
Ayon kay Hontiveros, lehitimo at angkop na kasangkapan ng mga mambabatas ang resolusyon upang ipahayag ang pangamba sa mga aksyong may epekto sa batas, soberanya, at pambansang interes ng Pilipinas. “We will not be silenced or deterred by statements from foreign actors,” aniya.
Iginiit ng senadora na patuloy na gagamitin ng Senado ang lahat ng ligal na paraan upang maitala ang mga isyung ito bilang bahagi ng kanilang tungkuling konstitusyonal. “Kahit isang milyon pa ang pahayag laban dito,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Hontiveros na ang tunay na problema ay ang sitwasyon sa West Philippine Sea, partikular ang umano’y mapang-udyok na kilos ng mga puwersang pandagat ng Tsina. Binanggit niya ang mga insidente ng paggamit ng water cannon laban sa mga mangingisdang Pilipino, paghadlang sa kalayaan ng paglalayag sa loob ng exclusive economic zone ng bansa, at pagbangga sa mga sasakyang-dagat ng Pilipinas.
Sinabi ng senadora na bukas ang Pilipinas sa kooperasyon, palitan ng pananaw, at mapayapang resolusyon ng mga alitan, ngunit kailangan munang ipakita ng pamahalaan ng Tsina ang mabuting loob sa pamamagitan ng pagtigil sa umano’y pangha-harass sa mga barko ng bansa.
Nanawagan din siya sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga peke at mapanlinlang na naratibo, lalo na sa social media. Aniya, hindi dapat pahintulutan ang mga dayuhang elemento na maghasik ng pagkakawatak-watak sa bansa.
Samantala, sinabi ni Senate President Vicente C. Sotto III na ang pahayag ng tagapagsalita ng embahada ay tila pagtatangkang patahimikin ang Senado sa pamamagitan ng pagtawag sa mga senador bilang mapagkunwari at mangmang, habang binabalewala ang resolusyon bilang isang “political stunt.” Ayon kay Sotto, ang paggalang ay dapat kapwa ibinibigay at tinatanggap.
Tinuligsa rin ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang tugon ng embahada, na ayon sa kanya ay undiplomatic at labag sa mga pamantayan ng Vienna Convention on Diplomatic Relations. Aniya, ipinapakita lamang nito ang kawalan ng respeto sa international law at nararapat lamang na kondenahin.
Dagdag ni Pangilinan, hindi dapat matakot ang Senado sa mga dayuhang nambabastos sa sariling bayan, at muli niyang hinimok ang Department of Foreign Affairs na magsagawa ng nararapat na hakbang upang ipagtanggol ang dignidad ng Republika ng Pilipinas at tiyaking ang ugnayan sa ibang estado ay naaayon sa pandaigdigang batas.
Muli ring nanawagan si Hontiveros ng agarang pagpasa ng West Philippine Sea Mandatory Education bill na kanyang inihain sa 20th Congress upang mapalawak ang kaalaman ng publiko hinggil sa karapatan ng bansa sa nasabing karagatan. Tinapos niya ang pahayag sa pagbati sa pagdiriwang ng Chinese Lunar New Year, na may hangaring kaunlaran at kapayapaang nakabatay sa paggalang at pagsunod sa international law.
The post Hontiveros: Senado di matitinag appeared first on Journal News Online.