Tactics ni VP Sara walang bisa, walang saysay — Gadon

HINIMOK ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon nitong Linggo ang mga miyembro ng Kongreso na bumoto ayon sa kanilang konsensiya at huwag magpatakot sa mga taktika ni Bise Presidente Sara Duterte na nagsasabing wawakasan niya ang kanilang panunungkulan kapag siya ang naging pangulo sa 2028.

“Isa rin sa mga dahilan kung bakit agad nagdeklara ng intensiyon na tumakbo bilang pangulo sa 2028 si VP Sara ay upang magsilbing babala o pananakot sa mga kongresistang maaaring pumirma sa kanyang impeachment. Para bang sinasabi niya na lagot kayo kapag ako ang naging presidente,” ani Gadon sa isang video message.

Ayon sa opisyal ng Malacañang, ito rin umano ang parehong “tricks” na ikinakalat ng kampo ng Bise Presidente at ng kanyang mga kaibigan.

“Iyan din ang sinasabi ng kanyang kampo o mga kaibigan—na kapag nanalo si Inday, tapusin silang lahat,” sabi ni Gadon.

“Bakit ganoon? Para bang ang pulitika ay tungkol sa paghihiganti at ang pagsisilbi sa bayan ay balewala, kung ang gusto lamang ay makaganti. Tapusin mo silang lahat, ubusin mo. Parang ganyan ang mensahe,” dagdag niya.

Ipinaalala niya sa mga mambabatas na noong halalan sa 2025, kahit nangampanya si VP Duterte laban sa mga kongresistang nagsusulong ng kanyang impeachment, lahat ng mga ito ay nanalo, at iginiit niyang “wala siyang endorsement power.”

“Kaya ang payo ko sa mga kongresista—na alam ko namang hindi nila pinapansin iyan—alalahanin ninyo na noong 2025 elections, nangampanya si VP Sara laban sa mga kongresistang nag-iimbestiga at mga kasapi ng QuadComm. Talagang nangampanya siya na huwag iboto ang mga ito. Pero ano ang nangyari? Nanalo pa rin. Tulad nina Congressman Joel Chua at Congressman Benny Abante, na mga miyembro ng QuadComm—nanalo pa rin sila,” paliwanag ni Gadon.

“Ang ibig kong sabihin, walang bisa at walang saysay ang mga pananakot ni Sara at ang kanyang mga indorso na huwag iboto ang ilan. Walang halaga iyon. Wala siyang endorsement power.

Walang saysay ang kanyang mga sinasabi—ang kanyang mga paninira at mga babala na huwag iboto ang ganito o ganyan ay balewala. Hindi iyon mahalaga,” dagdag pa niya.

“Kaya dapat ang mga kongresistang ito ay bumoto sa impeachment ayon sa kanilang konsensiya at sa kanilang panuntunan kung ano ang tama o mali. Huwag nilang tingnan ang anumang pananakot ni Sara na tatapusin o uubusin sila. Walang halaga iyon,” diin ng opisyal ng Malacañang.

The post Tactics ni VP Sara walang bisa, walang saysay — Gadon appeared first on Journal News Online.

About admin