Kuwaresma pagkakataon para suriin ang ating sarili

Jesus“At sinabi niya sa kanilang lahat . Ang sinomang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kaniyang sarili, pasanin araw-araw ang kaniyang krus at sumunod sa akin”. (Lucas 9:23)

NAGSIMULA na ang panahon ng Kuwaresma o Lenten Season. Ito ang pagkakataon para suriin nating mabuti ang ating mga sarili. Nakahanda ba tayong sumunod sa kalooban ng Diyos o magpapatuloy lamang ba tayo sa ating lumang gawain?

Hindi lamang tuwing Bagong Taon tayo nag-iisip-isip at nagninilay-nilay para baguhin natin ang klase ng ating pamumuhay at magbago ng direksiyon sa pamamagitan ng ating “New Year’s resolution” o mga bagay na gagawin natin sa susunod na taon.

Nag-isip-sip at nagninilay din tayo ngayong Lenten Season para suriin at I-asses ang ating pamumuhay. Subalit ito’y walang kabuluhan at walang saysay kung pagkatapos natin itong gawin ay babalik parin tayo sa ating lumang buhay.

Ito ang hamon sa atin ngayon ng Mabuting Balita (Lucas 9-22-25) nang wikain ni Jesus na kung sinoman ang nagnanais na sumunod sa kaniya ay kailangang itakwil ang kaniyang sarili at kahanadang mag-sakripisyo (pagpasan ng kaniyang krus).

Ang pagtatakwil sa kaniyang sarili ay sa pamamagitan ng pagtatakwil sa ating lumang pamumuhay, lumang pag-uugali at paglisan sa ating “comfort zone” para sundan ang direksiyon ni Jesus gaya ng ginawang pagsunod ng kaniyang mga Disipulo.

Personal kong patotohanan na hindi madali ang pagsunod sa kalooban ng ating Panginoon. Hindi ibig sabihin na kapag sumunod ka sa direksiyon ni Jesus ay magiging “hayahay” na ang iyong pamumuhay at wala ka ng papasaning krus (mga sakripisyo).

FAITH CHALLENGE:

MARAMI akong napapanood sa social media (SocMed) na iba’t-ibang challenges gaya ng tinatawag na “food challenge” kung saan hinahamon ang isang tao na kainin nito sa loob lamang ng maikling oras ang sangkatutak na pagkaing nasa harapan niya.

Subalit wala pa naman tayo sigurong napapanood o nasasaksihang “faith challenge” kung saan hinahamon naman ang katatagan at tibay ng pananampalataya ng isang tao sa gitna ng sunod-sunod na pagsubok sa kaniyang buhay.

Ang Kuwaresma ang panahon para sa ating “faith challenge”. Hinahamon tayo tulad ng natunghayan natin sa ating Ebanghelyo kung hanggang saan ba tayo tatagal at maninindigan sa ating pananampalataya sa ating Panginoon.

Tama na tayo’y magnilay-nilay at magsuri sa ating mga sarili. Subalit ito’y walang katuturan kung hindi naman tayo nakahandang magbago at wala itong saysay kung hindi rin tayo handang itakwil ang ating mga sarili para sumunod kay Jesus.

HINDI KA BA NAPAPAGOD?

MINSAN ay tanungin natin ang ating mga sarili kung hindi ba tayo napapagod? Hindi ibig sabihin na tayo napapagod sa pagta-trabaho kundi sa maling direksiyon ng tinatahak natin sa buhay? Naitanong na ba natin kung hanggang kailan tayo mananatiling ganito?

Kuntento na ba tayo sa ganitong pamumuhay kung saan masaya na tayo sa panglalamang sa ating kapwa, panloloko sa ating asawa dahil tayo ay nakiki-apid at masaya na ba tayo na ang ipinapakain natin sa ating pamilya ay galing sa masama?

Okey ka na ba sa ganiyang buhay? Hindi ka ba mag-iisip-isip na paano kung bigla kang mawala dito sa mundo o bawiin ni Lord ang buhay mo? Paano ka na? Saan ka kaya mapupunta? Hindi ka ba naaawa sa sarili mo kung halimbawang hindi ka sa Langit mapunta?

Marahil ay mas mainam na ang maransan mo na ang hirap ngayon dito sa lupa sa pamamagitan ng “pagpasan ng krus” o ang pagsunod sa kalooban ng Diyos kaysa naman sa bandang huli ay pagsisisihan mo na hindi mo naitakwil ang iyong sarili (maling pamumuhay).

Ganito ang aral na itinuturo sa ating Pagbasa nang sabihin din ni Jesus na: “Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang mapapahamak naman ay ang kaniyang sarili”. (Lucas 9:25)

PARA SAAN ANG ATING MGA PAGSISIKAP?

NAGSISIKAP tayo para sa kinabukasan ng ating pamilya. Wala naman masama diyan. Subalit hindi lamang “material investment” ang mahalaga dito sa mundo. isipin din natin ang “spiritual investment” dahil iyan ang kayamanan natin papunta sa Panginoon.

Hindi sinasabi ng Panginoong Diyos na malaking kasalanan ang mag-impok ng kayamanan para sa ating pamilya. Nagiging kasalanan lamang ito kung buong buhay natin ay ginugol na natin sa pag-iimpok ng kayamanan. Nawalan tayo ng panahon kahit magpasalamat lamang para sa lahat ng kaniyang mga biyaya.

ARAL NA DAPAT NATING MATUTUNAN:

MARAHIL ito ang mga bagay-bagay na dapat nating pagnilayang ngayong Lenten Season. (1) Ang pagsusuri sa ating sarili kung nakahanda ba tayong sumunod kay Jesus. (2) Nakahanda ba tayong magpasan ng ating krus (faith challenge). (3) Pagbabago ng direksiyon ng ating buhay at (4) Para saan ba ating mga pagsisikap o wala bang pagsisikap para sa kaluwalhatian ng Panginoon?

Kung hindi mo ito gagawin ngayong Kuwaresma? Kailan pa? Tandaan natin na maikli lamang ang buhay. Huwag natin sayangin ang ating oras sa mga bagay na hindi naman magpapalago sa ating pananampalaya: ano ba ang mapapala natin diyan?

AMEN 

Ni: Bro. Marianito Agustin

The post Kuwaresma pagkakataon para suriin ang ating sarili appeared first on Journal News Online.

About admin