Kadamay: 50 nawawala sa pagguho ng Harangan landfill, hustisya panawagan

MARIING kinondena ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) ang pagguho ng landfill sa Brgy. 1B Harangan, Rodriguez, Rizal na nagresulta umano sa pagkawala ng mahigit 50 katao at pagkawasak ng kabuhayan ng daan-daang maralitang residente at mangangalakal.

Ayon sa grupo, ang insidente ay bunga ng “sistematikong pagpapabaya” sa kaligtasan ng mga maralita at kawalan ng sapat na proteksyon sa kanilang kabuhayan. Iginiit ng KADAMAY na dapat magkaroon ng agarang rescue operations para sa mga nawawala at isang malaya at transparent na imbestigasyon sa nangyari.

Binatikos din ng organisasyon ang umano’y paghihigpit sa media at sa pagsasagawa ng imbestigasyon, at nanawagan ng pananagutan mula sa International Solid Waste Integrated Management Specialist Inc. (ISWIMS) at sa lokal na pamahalaan ng Rodriguez.

Kasabay nito, inilahad ng grupo ang umano’y banta ng demolisyon at panggigipit sa komunidad.

Nanawagan ang KADAMAY ng agarang proteksyon sa kabuhayan at kaligtasan ng mga maralitang komunidad, pagtigil sa anumang demolisyon, at pagpapanagot sa mga kumpanyang anila’y kumikita sa operasyong naglalagay sa panganib sa buhay ng mahihirap.

The post Kadamay: 50 nawawala sa pagguho ng Harangan landfill, hustisya panawagan appeared first on Journal News Online.

About admin