PATAY ang dalawang-taong gulang na batang lalaki matapos umanong malunod sa swimming pool sa loob ng compound ng Barangay Nagkaisang Nayon sa Novaliches, madaling-araw nitong Biyernes.
Sa imbestigasyon, huling nakita ng ina ng bata ang kanyang anak na natutulog bandang alas-1:00 ng madaling-araw habang sila ay nasa bahay ng kaibigan sa Don Enrique Subdivision matapos dumalo sa isang birthday party.
Bandang alas-4:16 ng madaling-araw nang madiskubre ni Jesse Morota Muni, fire volunteer ng Barangay Nagkaisang Nayon, ang walang malay na katawan ng bata na palutang-lutang sa pool habang papakainin sana ang kanyang aso malapit sa lugar.
Agad na iniahon ng saksi ang bata at isinugod sa Novaliches District Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival.
Sa paunang pagsusuri ay walang nakitang sugat sa katawan ng biktima.
Batay sa review ng CCTV ng pulisya, alas-3:53 ng madaling-araw nang makitang mag-isang dumating ang bata sa barangay compound at dumiretso sa pool. Makalipas ang ilang minuto, nakita itong tila nahihirapan sa gitna ng pool bago tuluyang lumubog.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
The post Batang lalaki, 2, nalunod sa pool appeared first on Journal News Online.