SINABI noong Sabado ni dating Kinatawan ng Albay na si Joey Salceda na ang pag-anunsiyo ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2028 ay isang “maling pagsusugal” na “nag-iiwan ng hindi magandang lasa sa bibig,” at nagbabala na ang maagang pagdeklara ay tila udyok ng maling instinct pampulitika sa maling panahon.
Si Salceda, na nangampanya para kay Duterte noong 2022 at hayagang nagsulong noon ng kanyang posibleng pagtakbo sa pagkapangulo bago siya tuluyang tumakbo at manalo bilang bise presidente, ay nagsabing napaaga at hindi kinakailangan ang hakbang, lalo’t si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay manunungkulan pa hanggang Hunyo 2028.
“Hanggang Hunyo 2028 si Marcos pa rin ang Presidente. Nakatrabaho ko siya noon (Duterte), pero sa pagkakataong ito, hindi naman OA ang sabihing hindi pinag-isipan ang hakbang na ito. Sa palagay ko, isa itong maling pagsusugal,” ani Salceda, dating tagapangulo ng House Committee on Ways and Means at ng Committee on Appropriations, sa Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
May bigat ang pahayag ni Salceda dahil sa dati niyang pagsuporta sa pambansang ambisyon ni Duterte.
“Noong 2022, isinusulong ko si Sara para sa pagkapangulo. Maaari ninyong balikan ang inyong mga file,” ani ng dating mambabatas at gobernador ng lalawigan ng Albay.
Ngunit iginiit ni Salceda na mas nagiging matatag ang isang kandidatura sa pagkapangulo kung ito ay nagmumula sa tunay na panawagan ng taumbayan at hindi sa maagang pagpoposisyon.
“Sa palagay ko, mas mainam kung may panawagan muna para sa kanya. Hayaan mong ang taumbayan ang magproklama sa iyo,” ani Salceda.
Kamakailan ay inihayag ni Duterte ang kanyang planong pagtakbo sa pagkapangulo sa gitna ng ilang reklamong impeachment na inihain laban sa kanya sa Kapulungan ng mga Kinatawan at ng mga pagdinig sa International Criminal Court (ICC) na kinasasangkutan ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kaugnay ng umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa madugong kampanya kontra droga.
The post PAGTAKBO NI VP SARA ‘MALING PAGSUSUGAL’ appeared first on Journal News Online.