NAGSAGAWA ng inspeksyon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Sabado sa nagpapatuloy na operasyon ng Oplan Kontra Baha (OKB) sa Naga City, bilang patunay ng pangako ng administrasyon na tugunan ang matagal nang problema sa pagbaha sa bansa.
Pagdating sa Naga City, unang binisita ng Pangulo ang Jesse M. Robredo Coliseum, bago nagtungo sa Sagop Creek sa Barangay Triangulo upang personal na inspeksyunin ang mga aktibidad ng dredging, paglilinis ng basura, at pagsasaayos ng lugar.
Kasama ng Pangulo sa inspeksyon si Alkalde Maria Leonor “Leni” Robredo ng Naga City.
Sa panayam sa media, sinabi ni Pangulong Marcos na bahagi ang dredging at cleanup activities ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na tugunan ang paulit-ulit na pagbaha sa mga lugar na sakop ng Bicol River Basin.
“Dito nagsisimula ang matagal nang problema sa pagbaha sa Naga at maging sa iba pang lugar sa kahabaan ng Bicol River. Alam naman natin na ito’y isang basin. Maraming mga konstruksyon—hindi lamang sa pribadong sektor kundi pati na rin ang iba’t ibang proyektong nagbago sa daluyan ng tubig kaya lalo itong lumala,” ani ng Pangulo.
Itinuro ng Pangulo ang matinding siltation o pag-ipon ng latak na lubhang nagpapababa sa lalim at kapasidad ng ilog, na nagdudulot ng madalas na pagbaha sa lugar.
Ayon din sa Pangulo, batay sa ulat ni Mayor Robredo, may ilang lugar na dati’y hindi binabaha ngunit ngayon ay apektado na, bunsod ng mga pagbabago sa kapaligiran at lumalakas na epekto ng climate change.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na determinado ang pamahalaan na solusyunan ang problema sa pagbaha sa lungsod, ngunit inamin niyang mangangailangan ito ng komprehensibo at pangmatagalang hakbang.
“Malaking trabaho ito. Mangangailangan ng panahon, ngunit marami na tayong mga interbensyong maaaring gawin… Simula pa lamang ito,” dagdag ng Pangulo.
Matapos ang pagbisita sa Sagop Creek, nagtungo rin ang Pangulo sa Sitio Magaya-gaya Creek sa Barangay Concepcion Pequeña upang inspeksyunin ang isinasagawang dredging at clearing operations.
Ang mga operasyon ng OKB sa Naga City, na nagsimula noong Pebrero 18, 2026, ay nakatakdang matapos sa Hulyo 31, 2026. Saklaw ng inisyatiba ang 29 ilog at sapa at dalawang lawa, na may kabuuang dami ng tubig na 26,621,370.51 cubic meters.
Kabilang din sa proyekto ang paglilinis at pagbubukas ng drainage system ng lungsod na may habang 250.51 kilometro, kung saan 75,152.19 cubic meters ng latak ang planong alisin.
Upang suportahan ang mga operasyong ito, nagtalaga ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang lokal na pamahalaan ng 27 dredging units, 30 dump truck, at 1,525 tauhan na may sapat na protective gear.
Ang Oplan Kontra Baha ay patuloy na inisyatiba ng administrasyong Marcos upang mabawasan ang pagbaha at maprotektahan ang mga komunidad sa buong bansa sa pamamagitan ng mas maayos na pamamahala ng mga daluyan ng tubig at drainage system. Kasalukuyan din itong isinasagawa sa Metro Manila, Cebu, at Bacolod.
The post Operasyon ng Oplan Kontra Baha sa Naga sinuri ni PBBM appeared first on Journal News Online.