KUMPIYANSA si impeachment endorser at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na kaya ng Mababang Kapulungan na tipunin ang kinakailangang bilang upang maipadala sa Senado ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, at sinabing may “more than enough” na boto para lampasan ang one-third threshold kapag umabot na ito sa plenaryo.
“More than enough, yes,” ani Abante sa Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, nang tanungin kung may tamang bilang ang House of Representatives.
Bilang chair ng House committee on human rights at co-chair ng House quad committee, ipinaliwanag ni Abante ang inaasahang ruta ng reklamo sa Mababang Kapulungan, simula sa referral process na magsisilbing basehan ng deliberasyon at hahantong sa botohan sa plenaryo na magpapasya kung magbubukas ang Senado bilang impeachment court.
“The Committee on Rules will give it to the Committee on Justice. The Committee on Justice would deliberate on that, maybe for two or three days. And after that, it will be put into the vote in the plenary. Ang kailangan lang naman 1/3 eh,” sinabi ni Abante nitong Sabado.
Ang ikaapat na verified impeachment complaint laban kay Duterte ay inihain ni Atty. Nathaniel G. Cabrera at inendorso nina Abante at Deputy Speaker Paolo Ortega V.
Ayon kay Abante, simple lamang ang computation at kayang-kaya itong abutin, lalo na’t may nakaraang rekord ng suporta at mababa ang kinakailangang threshold ayon sa Konstitusyon.
Binigyang-diin niyang hindi kailangan ng napakalaking bilang upang maipasa ang reklamo.
“So, iniisip ko, in the first impeachment complaint, more than 200 [215] congressmen signed the first impeachment complaint. So, I don’t think mahihirapan ito na makaabot dahil out of 311 congressmen, 105 lang ang kailangan. Eh 1/3 to be able to pass it and let it go to the Senate for the impeachment court. So, palagay ko we are in a proper position at this point in time,” ani Abante.
“It might not be the same number. Iniisip ko na hindi magiging pareho ang numero pero it only takes about 1/3 of the members of the House to let it pass. So, palagay ko makukuha namin iyon,” dagdag niya.
Sinabi pa niya na kapag bumoto na ang Kamara de Representantes, ang susunod na hakbang ay ang agarang pagpapadala ng reklamo sa Senado, na kanyang inilarawan bilang isang direct line mula sa plenaryo papunta sa impeachment court.
“Ipapasa na iyon directly sa Senado after the vote in the plenary. Iyon na talaga ang maaaring mangyari,” aniya.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Abante na susunod ang Kamara sa tamang timing at mga patakaran, kabilang ang gabay ng Korte Suprema tungkol sa one-year bar rule at bilang ng session days — isang isyu na nakaapekto sa calendar ng impeachment proceedings.
“Ang status naman, sinabi naman ng chairman of the Committee on Justice na mayroon pang 10 days, 10 session days. So, sabi ko we have to abide by the ruling of the Supreme Court. Hindi naman natin puwede dedmahin iyan. So, whatever the Supreme Court so decided, which is the interpretation ng batas, eh dapat sundin ng Congress iyan,” paliwanag niya.
Ayon pa sa kanya, malinaw na ang tatahaking proseso ng reklamo — mula sa filing at pagtanggap, papunta sa Office of the Speaker, at pagkatapos ay sa House committee on rules para sa referral na magpapasimula ng aksyon sa committee level.
“So, ang gagawin niya, after the filing of the fourth impeachment case sa Sec. Gen. papasok iyan sa office ni Speaker. And then, palagay ko pumasok na eh. And then afterwards, it will go to the Committee on Rules,” ani Abante.
Nang tanungin kung magiging mas mahirap bang hurdle ang Senado, inamin ni Abante na may pangamba dahil kailangan ng 18 boto para hatulan ang Bise Presidente. Ngunit umaasa siyang magiging makatarungan ang mga senador at titingnan ang mga ebidensiya at substansiya, hindi pulitika.
“Actually, it remains to be seen ’no, Medyo may pangamba rin sapagkat it will take 18 votes for the Senate, 18 for the Senate to convict. So, we will find out. Hopefully, this will not only be a political ploy. Iniisip namin diyan that the Senators will appreciate the facts, the evidence, the substance of the impeachment complaint,” saad niya.
Sa pag-endorso ng reklamo, binigyang-diin ni Abante ang kanyang naging papel sa mga nakaraang imbestigasyon, at sinabi niyang hindi sinagot ng Bise Presidente ang mahahalagang alegasyon.
Ang impeachment process, aniya pa, ay paraan para makamit ang mga kasagutang hindi pa rin naibibigay.
“And not only that, but when it comes to the appreciation of the complaint, nakita ko naman eh. That’s why I endorsed it sapagkat naniwala ako do’n sa complaint mismo eh. Ako ’yong co-chair ng quad comm, inimbestigahan namin ’yan. Ako din ’yong vice chair ng good government. Ang ating Vice President, she did not take an oath. Hindi niya sinagot ang mga alegasyon. Siguro kung sinagot niya, baka okay na,” sinabi ni Abante.
“Pero now is the time for the Vice President to answer all the allegations. Mayroon na siyang pagkakataon ngayon,” dagdag niya.
Ika-4 na reklamong impeachment
Ang ikaapat na reklamo ay nakatuon sa alegasyong hindi ganap na idineklara ni Duterte ang kanyang mga ari-arian sa kanyang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at maaaring mayroon siyang hindi maipaliwanag na yaman na lampas sa kanyang legal na kinikita.
Inakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, bribery at iba pang high crimes.
Ayon sa reklamo, may ilang assets, bank accounts, cash holdings at property transactions na umano’y hindi naisama, kulang ang deklarasyon o hindi ganap na naitala sa kanyang SALNs.
Tinukoy sa complaint na hinihingi ng Konstitusyon ang ganap na transparency mula sa mga mataas na opisyal ng gobyerno, at anumang material nondisclosure o yaman na lampas sa legal na kita ay isang impeachable offense.
Hiniling ng complainant ang isang forensic review ng bank records, property transfers at mga kaugnay na financial document upang malaman kung may public funds na na-convert sa private assets at kung tama ang deklaradong net worth ng Bise Presidente.
Ang alegasyon ng unexplained wealth ay konektado sa mas malawak na paratang ng iregular na pag-disburse ng confidential funds na umabot sa hindi bababa sa P612.5 milyon mula Disyembre 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023, kabilang ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Binanggit sa reklamo ang mabilis na pag-encash ng P125 milyon noong Disyembre 2022 — na umano’y na-liquidate sa loob ng 11 araw — kasama ng mga natuklasan ng Commission on Audit (COA) na nag-flag dahil sa iregularidad.
Naglabas ang COA ng notices of suspension at disallowance na sumasaklaw sa P73.287 milyon na questioned expenditures.
Tinukoy din ang umano’y peke o depektibong resibo, hindi masegurong payees, doble-dobleng entries, at mga sinumpaang salaysay na naglalarawan ng paglipat ng malalaking halaga ng cash sa mga duffel bag.
Bukod sa mga usaping pinansyal, inulit ng reklamo ang naunang paratang na inamin umano ni Duterte na nagsabi siya sa isang tao na patayin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez — na isang subversion sa constitutional order.
Sinusuportahan ang mga alegasyon ng mga sinumpaang affidavit, witness statements kabilang ang kay Ramil Madriaga na diumano’y bagman ni Duterte, mga opsiyal na liquidation at accomplishment report mula sa OVP at DepEd, COA audit memoranda at disallowance notices, Philippine Statistics Authority certifications sa mga diumano’y payees, congressional hearing transcripts, mga pampublikong pahayag ng respondent, at Joint Circular No. 2015‑01 ukol sa confidential at intelligence funds.
Hinimok ng complainant ang House committee on justice na magsagawa ng full investigation, mag-isyu ng subpoenas para sa financial at audit records, at kung nararapat, ipadala ang Articles of Impeachment sa Senado para sa trial.
Ang filing ay ikaapat ng impeachment case laban sa Bise Presidente, matapos ang tatlong naunang reklamo na tumalakay rin sa kanyang mga pahayag sa publiko, diumano’y iregularidad sa confidential funds, at pagtangging makipagkooperasyon sa congressional oversight.
Ngayon, kailangang tukuyin ng Kamara kung ang mga alegasyon — lalo na ang SALN disclosure at unexplained wealth — ay pumapasa sa constitutional threshold para sa impeachment sa ilalim ng Article XI ng 1987 Constitution.
Ayon sa Konstitusyon, maaaring mapatalsik sa tungkulin ang Bise Presidente dahil sa culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, iba pang high crimes, o betrayal of public trust.
The post IMPEACHMENT VS VP SARA MAY HIGIT SA SAKTONG BOTO, MAIPAPADALA SA SENADO appeared first on Journal News Online.